Thursday , December 26 2024

Paano naman ang presyo ng groceries?

00 aksyon almarNAKATUTUWA naman ang nangyayaring halos kada linggong malakihang rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Lamang, tila ilan lang ang masasabing nakikinabang dito o ‘di kaya ay puwede rin sabihin, hindi pa masyadong ramdam ng lahat ang sunod-sunod na pagbulusok ng presyo ng nabanggit na produkto.

Linawin muna natin, walang kinalaman ang gobyernong Aquino sa rollback ha, baka mamaya po kasi sabihin ng Malacañang na trinabaho nila ito nang husto kaya patuloy na bumabagsak ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Ang tunay na dahilan ng pagbaba ay dahil sa sobra-sobrang stock ng mga langis sa pandaigdigang merkado – isa sa dahilan daw ay  humina ang negosyo sa bansang China. Buti naman kung magkaganoon. Sana humina nang humina pa ang negosyo sa China.

Pero sa nangyayaring pagbaba nang pagbaba ng presyo ng mga produktong gasolina, krudo at gaas, karamihan lang sa natutuwa rito ay mga motorista lalo na ang mga nagdadala ng sasakyang krudo ang gamit. Halos ipamigay na ang krudo ngayon. Kamakalawa nga ay bumaba na naman presyo nito. Kaya ang bawat litro ngayon ay naglalaro sa P18.00 hanggang P19.00 pero sa Tarlac ay P15.30 bawat litro (last week ito) nang magawi ako sa laalwigan. Pero malamang ay P14.00 na lamang ito.

Kung P14.00 kada litro ngayon sa Tarlac bakit hindi kayang gawin ng mga gasoline station dito sa Metro Manila? Ano kaya ang dahilan at hindi nila kayang tapatin ang P14.00 kada litro sa Tarlac maging sa Bulacan.

Yes, small players ang mga presyo ng P14.00 hanggang P15.00 kada litro. So, mas lalong kayang gawin ito ng sinasabing higanteng kompanya.

Pero ‘wag ka, isang sangay ng Petron sa Tarlac sa Bamban ay P17.00 per liter nang magpa-full tank kami. Huli na nang makita namin sa ‘di kalayuan sa Petron ang presyong P15.30 bawat litro ng krudo sa A’s gasoline station. Kaya malamang na P14.00 na lang ngayon ito.

Sunod-sunod na ang pagbaba ng nasabing mga produkto pero hindi pa rin ramdam nang lahat, maliban lang sa pasahe sa jeep, ang dapat ay kumilos na agad ang Department of Trade and Industry (DTI). Hanggang ngayon ay nananatiling mahal ang mga pangunahing bilihin na mga pang-araw-araw na kinokonsumo.

Hanggang ngayon ay nananatiling mataas pa rin ang presyo mga bilihing gatas, asukal, mga de-lata at iba pa, sa kabila ng napakalaki nang natitipid ng mga pagawaan ngayon.

Sinasabing dahilan kaya hindi daw magalaw ng DTI ang presyo ng mga pangunahing bilihin dahil sa unpredictable daw kung hanggang kailan ang paggalaw ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Ha?! E bakit kapag magkakasunod ang price increase sa mga produktong petrolyo ay mabilis pa sa alas-kuwatro ng umaga ang DTI para aprubahan ang kahilingan ng malalaking pagawaan. Bakit nga ba? E ano pa nga ba? Kita-kits siyempre.

Pero kapag ang mga pobre ang dumaraing – tulad ng mga nangyayari ngayon. Isinisigaw nang marami na dapat bumababa na rin ang presyo ng iba pang mga bilihin sa merkado, e napakatagal kumilos ng DTI. Kesyo obserbahan pa raw nila ang rollback.

Naku po, e hanggang kailan naman ang obserbasyon na iyan? Kapag ang mga produktong petrolyo na ang iluluto o kakainin ng taumbayan? Ang asukal, kung kailan bumulusok ang presyo ng mga petrolyo, nagtaas naman. Ano ba ‘yan!

Para saan ba ang DTI, para ba sa taumbayan o para sa mga higanteng kompanya?

Hay, kung puwede nga lang sana ulamin ang mga produktong petrolyo, ayos na siguro ang buto-buto.

Oo, hindi trabaho ng Palasyo ang hinggil sa presyo ng mga bilihin, pero kung gugustuhin ni PNoy na ipag-utos agad sa DTI na kumilos na, puwede ito ngunit tameme pa rin si PNoy.

Bakit? Ito ba ay dahil patapos na ang kanyang termino kaya wala na siyang paki. O dahil sagana pa rin siya sa yaman kaya wala siyang paki sa pananatili ng mga mamahaling bilihin sa kabila ng lahat?

Mr. President, maawa ka naman sa mahihirap!

About Almar Danguilan

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *