‘Calling’ sa QC jail, P20.00! Attn: SILG Sarmiento
Almar Danguilan
January 26, 2016
Opinion
‘CALLING’ ano ito?
Ibig bang sabihin nito ay may bayad na P20.00 kapag may tawag ka sa telepono o sa cellphone mula kaanak sa labas? Tawag sa cellphone?
Malabo yata dahil bawal ang cellphone sa bilangguan, maliban lang sa mga naipupuslit na may kinalaman ang nakararaming jailguard.
Ano pa man, ano itong ‘calling’ na estilong bulok sa loob ng Quezon City Jail na matatagpuan sa likuran naman ng Quezon City Police District (QCPD) Kamuning Police Station 10, sa EDSA near corner Kamuning Road, Diliman, Quezon City.
Ops, para sa kaalaman muna ng lahat ang QC Jail ay nasa ilalim ng Bureau of Jail Management and Penelogy (BJMP) at hindi ng QCPD.
E ano nga ba itong ‘calling’ na estilong bulok sa nasabing kulungan? ‘Calling’ mula sa root word ‘CALL’ o sa Filipino ay ‘TAWAG.’
So, ano nga ito at may bayad na P20.00 kada ulo.
Ganito po iyon, ang bawat bisita ng preso na dadalaw sa kanila sa QC Jail ay may bayad na P20.00 kada ulo. Pero sa estilong ito ay wala raw kinalaman ang pamunuan ng QC Jail. Ha! Ewan! O sige, wala na kung wala.
Hindi naman sa pagpasok ng mga dumadalaw sila nagbabayad o nagbibigay ng P20.00 kada ulo. Lalong hindi naman sila sa mga jailguard nagbabayad ng P20.00 at sa halip, ang bawat grupo/gang sa loob na may kanya-kanyang kolektor na ang tawag sa kanila ay ‘call boy.’ Dito na nakuha ang salitang calling.
Aba’y wala ngang kinalaman dito ang pamunuan ng QC Jail o ang mga jailguard kasi hindi naman sila ang nangongolekta o nagpapabayad ng P20.00 kada ulo/bisita ng mga preso.
Ayos! Malinis na trabaho ha! Kayo ba’y naniniwalang walang kinalaman ang ilang jailguards sa ‘calling fee?’ Ewan! Basta’t tayo ay hindi ipinanganak kahapon!
Ang pangongolekta ng calling fee ay kapag tapos na ang dalaw, kapag pauwi na ang mga bisita ng bawat preso. Kapag pauwi na ang mga bisita, magtatawag na ng ‘calling’ ang callboy lalo na kapag marinig na ang pag-aanunsiyo ng jailguard sa sound system na tapos na ang dalaw para sa araw na iyon.
Hayun, pila-pila na ang mga bisita para magbayad ng P20.00 bago lumabas sa QC jail sa bawat nakatalagang call boy ng bawat grupo o gang sa loob ng bilangguan.
Ang linaw ano este, ang linis pala ano. Walang bayad ang dalaw at lalong hindi ito pinahihintulutan ng pamunuan ng QC Jail o lalo na ng BJMP National Capital Regional Office.
BJMP NCR Director, Chief Supt. Michael Vidamo, ubra ba ang estilong bulok na ito?
Anyway, sabi hindi naman daw ito napupunta sa bulsa ng mga jailguard at lalo na sa warden ng QC Jail na si Supt. Kundi, ginagawa raw itong pondo ng bawal gang/grupo sa city jail.
Ayos ha, galing naman ng nakaisip na jailguard nito este, ng preso pala sa estilong calling.
So, ang pangongolekta raw ay isang fund raising, Ang mga nalikom araw-araw ay itinatabi ng bawat grupo para mayroon silang gagamitin kapag may okasyon. May panghanda daw sila lalo na kapag Pasko at Bagong Taon. Galing naman! Palakpakan natin ang inisiyatib ng mga bilanggong sa QC Jail.
E paano naman ang pamunuan ng QC Jail? E paano naman ang mga jailguard? Wala ba silang porsiyento dito sa calling fee? Wala? Wala! Wala! At wala nga e!
Ang kulit naman e. Ha ha ha…maniwala. Bahala ka, basta’t ang sabi sa akin ay wala raw kinalaman sa kakaibang estilong kotongan sa loob ng QC Jail.
Teka, paano naman iyong walang pambayad. E di utang muna, babayaran sa sunod na dalaw.
DILG Sec. Mel Senen Sarmiento, ano sey mo sa estilong bulok na ito? Ikaw ba’y may ibinabang direktiba hinggil sa ganitong uring pangongotong este, mali pa kundi pangongolekta ng ‘dalaw fee?’ Hindi po dalaw fee kundi ‘calling fee.’ Ulit, wala raw kinalaman dito ang pamunuan ng QC jail at lalong hindi sila nakikinabang dito.
Pero teka, mayroon nga bang ganitong estilo sa QC jail?
Sa warden ng QC Jail, ano pong masasabi niyo, totoo ba ang calling fee?