This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
NANAWAGAN at nakikiusap kay Commission on Election (Comelec) Chairman Andres Bautista si Senate President Franklin Drilon na iliban muna ang nakatakdang Pebrero 1 na pag-imprenta ng mga balota para sa May 2016 elections.
Ayon kay Drilon dapat hintayin muna ni Bautista ang magiging desisyon ng Korte Suprema ukol sa kaso ni Presidential aspirant Senadora Grace Poe hinggil sa disqualification case na kinahaharap kaugnay sa isyu ng residency at natural born citizenship.
Umaasa si Drilon na pakikinggan siya ng Comelec sa kanyang panawagan upang sa ganoon ay maalis sa taong bayan ang posibleng kalituhan sa mismong araw ng halalan o botohan.
Naniniwala si Drilon na dadalian ng Korte Suprema ang pagresolba sa isyu lalo na’t ang naturang usapin sa kaso ni Poe ay lubhang mahalaga at importante.
Nanalig si Drilon na hindi din matutulad si Poe sa kanyang ama na si Fernado Poe, Jr., na nadesisyonan ng Korte Suprema ang disqualification case bandang Abril na.