May punto si PNoy… may punto rin ang SSS members and pensioners
Almar Danguilan
January 19, 2016
Opinion
KAHIT na papaano ay masasabing may punto si Pangulong Noynoy Aquino sa ‘pagbasura’ niya sa panukalang batas na aprubado sa dalawang kapulungan ng Kongreso – inihalal na representante ng kanyang mga ‘Boss’ na dagdag P2,000 kada buwan para sa pensiyon ng mga pensiyonado ng Social Security System (SSS).
Masasabing may punto at ginamit ni PNoy ang kanyang utak dahil nakini-kinita niya ang puwedeng mangyari sa darating sa panahon. Prophetic pala ang dating ni PNoy dito ha.
Yes, sa dagdag na P2,000, malaki ang mawawala sa SSS o malulugi – iyon bang ang masamang epekto nito ay sa darating na panahon. Maaapektohan sa increase, kung pinalusot, ang susunod na pensioners. Baka wala nang matanggap lalo na wala naman talagang pinakakakitaan ang SSS kundi ang buwanang hulog ng milyon-milyong miyembro.
Kumbaga parang pinaiikot lang ang pera ng bawat miyembro.
Ang pensiyon na natatanggap ngayon ng pensioners ay mula sa mga miyembro na hindi pa umaabot sa edad sisenta.
Pero kung sakaling inaprubahan ni PNoy ang increase, sampung taon mula ngayon ay pensiyonado na ako. Pakikinabangan ko kaya ito o bangkarote na ang SSS dahil sa sobrang laki ng increase? Marahil pakikinabangan ko pa ang aking mga hulog siguro pero ang mga susunod siguro – plus ten years pa ay maaaring sila ang maapektohan lalo na kapag hindi inihuhulog ng malalaking kompanya ang kanilang mga ikinakaltas na kontribusyon.
Puwede namang lagdaan ni PNoy ang P2,000 increase pero hindi niya ginawa dahil malaki ang posibilidad na masama ang magiging resulta nito.
Yes, puwedeng sang-ayunan ni PNoy ito lalo na’t usad pagong ang kandidato niya sa pagka-pangulo na si Mar Roxas pero hindi sinamantala ni PNoy ang pagkakataon.
Bakit? Nakita niya talaga ang masamang epekto ng increase, talagang mababangkarote daw ang SSS.
Pero may punto rin ang mamamayan o pensioners sa pagsasabing kung totoong walang sapat na pondo ang SSS para sa increase bakit naglalakihan ang suweldo at bonus ng mga hunghang na matataas na opisyal ng ahensiya lalo na ang mga iniupo ni PNoy.
Nagpapasasa sila sa hulog ng mga pobreng miyembro ng SSS na kailangan pang hintayin ang edad na sisenta para pakinabangan ang mga inihulog sa SSS samantala ang mga hunghang na top brass sa SSS ay pinagpipiyestahan na ang premiums. Hindi na nila kailangan pang maghintay ng edad sisenta.
Hindi lang sa bonuses nagpipiyesta ang mga kups sa SSS kundi maging sa kaliwa’t kanang biyaheng abroad. Yes, biyaheng abroad na naka-charge sa pondo ng SSS at uli, galing sa hulog ng mga pobreng miyembro. Ang biyaheng abroad na ito – pinalalabas na isang project – SSS caravan daw. Ipinakikilala nila sa mga OFW ang SSS at ini-engganyo silang magmiyembro sa SSS. Lamang parang nagiging front ang biyahe at sa halip, bakasyon grande ang nangyayari. Sa mga mamahaling hotel pa nga raw tumutuloy ang mga taga-SSS – mga matataas na opisyal na hindi naman dapat kasama ang biyahe.
Totoo naman kaya ang info na ilan sa mga opisyal ay isinasama ang kanilang misis —at kung minsan ay buong pamilya? At totoo kanyang charge din sa pondo ng SSS o pondo ng mga inihulog na premiums ang para sa isinamang asawa o pamilya? Iyan ang dapat alamin ni PNoy.
Ano pa man, kapwa may punto ang mamamayang miyembro ng SSS at si PNoy ngunit, sa totoo lang, talo pa rin ang mamamayan kung ano talaga ang katotohanan – malulugi nga ba ang SSS kung sakaling pirmahan ni PNoy ang panukalang batas?
Paano naman maniniwala ang milyon-milyong miyembro na mababangkarote ang SSS samantala hindi naman nila nakikita o naisasapubliko ang pondo o koleksiyon ng SSS.
Kaya, sana isapubliko muna ang totoong kalagayang pinansyal ng SSS bago tuluyang ibasura ni PNoy ang increase.