Chiz, dasal pa!
Almar Danguilan
January 14, 2016
Opinion
LALO pang tumatag ang kalooban ni presidential bet Senator Grace Poe nang paboran ng Korte Suprema ang petisyon ng kanyang kampo hinggil sa pagpapalawig sa temporary restraining order (TRO) para huwag tanggalin sa listahan ng mga presidential candidate si Poe, na nakatakdang iimprenta bago matapos ang Enero.
Si Poe kung matatandaan ay dalawang beses nang tinabla ng Commission on Elections (COMELEC). DQ (disqualified) daw ang Senadora sa posisyong kanyang inaambisyon este (inaambisyon pala ng mga alipores niyang gumagamit sa kanya), makaraang makitang kulang ang kanyang residency sa ‘Pinas, isa sa mahigpit na alituntunin ng batas para sa mga tatakbo sa pagkapangulo ng bansa.
Naging basehan ng Comelec ang impormasyon (mismong) galing kay Poe na kanyang isinumite sa Comelec nang tumakbo siyang senador na kanyang ipinanalo naman.
Kaya, dahil sa impormasyon ay DQ na raw ang senadora sa pagkapangulo para sa 2016. So, tumakbo ang ale o ang mga nasa paligid niyang atat na atat maging pangulo si Grace, sa Supreme Court dahil baka mawalan sila este, dahil baka tanggalin na nga ng Comelec ang kanyang pangalan sa listahan.
Kamakalawa, sa ikalawang pagkakataon ay ‘kinampihan’ ng SC ang kahilingan ni Poe na palawigin pa ang petisyon o TRO. Yes… yes…yes, nagtagumpay nga ang Poe camp.
Sa laban ni Poe, kung higit siyang masasabing nag-aalala na baka hindi siyang maikonsidera, marahil ay mas doble o triple o higit pa ang pag-aalala ng tandem niyang si Sen. Chiz Escudero.
Oo dahil kapag tuluyan nang maibasura ang kandidatura ni Poe, malamang higit pa sa nagtatae ang pakiramdam ni Escudero. Di ba kapag magtatae ang isang tao o kapag may LBM, ano ang nararamdaman nito? Manghihina! So, si Escudero ay may posibilidad na ganoon din. Manghihina. Dobleng panghihina o triple pa dahil wala nang hahatak sa kanya.
Kaya marahil si Chiz ay panay ang tawag ngayon sa lahat ng mga Santo na sana’y hindi matuluyan si Grace.
Yes, magaling din naman na mambabatas si Chiz kaya nga siya’y naging isang senador dahil kung hindi, wala siyang artista. He he he… I mean dahil kung hindi, hindi siya ibinoto ng taong bayan.
Pero ngayon, ibang labanan na itong pinasok niya. Bagamat national din ang pagkasenador na labanan, masasabing iba ang posisyong vice president.
Kaya kapag tuluyan nang mawala sa tabi niya si Grasya, malaki ang posibilidad na madisgrasya si Escudero.
Ayaw man aminin ng kampo ni Escudero, malaking tulong sa kanya si Poe. Si Poe ang magdadala o hahatak sa kanya kung sakali. Hindi ang kanyang artistang esposa.
Sige, patakbuhin si Escudero nang mag-isa, wala si Poe sa kanyang tabi, wala si Poe para mangampanya sa kanyang kung natuluyang ma-DQ si Poe. Sa tingin ba ninyo ay ilalampaso ni Escudero ang kanyang mga makakatunggali sa pagka-vice president?
Malabo iyan, baka kay Congresswoman Leni Robredo pa lamang ay mahirapan na siya. Sa kabikulan na lamang ay hindi niya (Escudero) makukuha ang siyento por siyentong boto, sa ibang lalawigan pa kaya? Marahil pa nga ay tatalunin siya ni Leni sa Bicol.
E laban kay Vice Presidential Senator Bongbong Marcos, ubra ba si Chiz dito? No way! Lalo siyang ikudesdes (isang salitang kolokyal sa Tuguegarao – iiwanan nang malayo/ilalampaso) ni Bong Bong. Pakakainin siya ni Bongbong ng alikabok. Hindi lang sa sinasabing Solid North kundi puwedeng maging sa Kabikulan.
Ikompara naman si Escudero kay Bongbong Marcos sa mga accomplishment o ang Marcoses sa mga Escudero, ‘di hamak na maraming magagandang nagawa ang Marcoses sa bansa na talagang pinakikinabangan hanggang ngayon.
Ikompara din si Apo Marcos sa mga nagdaang Pangulo simula noong 1986, ano ang mga nagawa nila para sa bansa o para mamamayan lalo na sa mahihirap? Mayroon naman silang mga nagawa pero, sapat ba kung ikokompara sa mga nagawa ni Apo Marcos?
Yes, kinasuhan si Pangulong Apo Marcos noon pero, napakarami naman niyang nagawa sa bansa. E ang mga nagdaang Pangulo simula nang mawala si Manong? Putsa naman, mga nagkukuwaring malinis pero ipinadadaan naman nila ang lahat sa kanilang mga alipores ang kita. Nagnanakaw na, wala pang accomplishment.
Balik Chiz tayo, masasabing may mga nagawa naman ang mambabatas – infairness sa mama – mga batas. Pero ang mga batas niya ba’y naging malaking tulong sa mahihirap? Naging malaking tulong ba ito sa ekonomiya ng bansa? Marahil naman siguro – sa anong paraan naman kaya nakatulong ito?