Thursday , December 12 2024

Kuya Germs, mahirap palitan!

071216 German Moreno
TUWING magkikita kami ni Kuya Germs Moreno noong panahong nabubuhay pa siya, mayroon siyang isang standard question, “ano ang balita?” Nakikibalita rin kasi siya kung ano man ang pinag-uusapan dahil kailangan din naman niyang magbalita sa kanyang radio program at sa ilang columns na kanyang sinusulatan din. Pero ngayon kung tatanungin kami kung ano ang balita, siguro sasabihin naming walang iba kundi si Kuya Germs mismo.

Simula noong mabalitang yumao ang master showman, siya na ang laman ng lahat halos ng mga diyaryo. Siya rin ang ibinabalita sa lahat halos ng mga radio program at maging sa telebisyon. Iyong kanyang wake, ilang araw nang may nakahintong ob van mula sa GMA 7, ABS-CBN, at TV5. Anumang oras ay nakahanda silang magbigay ng mga live report kung ano man ang nagaganap sa burol ni Kuya Germs. Halos oras-oras ay may balita.

Wala rin silang pahinga sa interview, kasi nga lahat halos ng personalidad nagdadatingan at nakikiramay kay Kuya Germs. Kaya nga hindi lang isa, kundi napakaraming reporters ng telebisyon ang naroroon. Lahat sila gumagawa ng kanya-kanyang report. Si Kuya Germs ang big news sa linggong ito.

Hindi pa matatapos iyan. Hanggang Martes ng gabi ang lamay sa Our Lady of Mt. Carmel Shrine sa Quezon City. Sa Miyerkoles ng gabi ay dadalhin ang kanyang labi sa mismong studio na ginagawa ang kanyang TV show na Walang Tulugan. Mananatili iyon doon ng magdamag, wala na ngang tulugan iyon para sa kanyang mga kaibigan, mga kasama sa trabaho at iba pang makikiramay hanggang sa siya ay ihatid sa huling hantungan sa Huwebes ng umaga sa Loyola Memorial Park sa Marikina, na kinahihimlayan din ng mga labi ng kanyang mga magulang at mga kapatid. Buo na ang kanilang pamilya.

Masyado ring emotional ang naging burol ni Kuya Germs. Lahat halos ng makita naming naroroon para makiramay ay umiiyak. Nalulungkot silang lahat dahil sa palagay nila hindi pa ito ang panahon para mawala sa industriya si Kuya Germs. Hindi nga siya iyong kagaya ng ibang mga lider ng industriya na nakikipaglaban para roon, pero si Kuya Germs ay nagbibigay ng inspirasyon sa maraming tao ng industriya para ituloy ang kanilang pakikipaglaban para sa kanilang sining.

Maging ang kanyang anak na si Federico ay panay ang iyak, pero sinasabi nga niyang hindi iyon kalungkutan kundi kaligayahan sa nakikita niyang pakikidalamhati ng mga tao at pagmamahal ng mga iyon sa kanyang ama.

Maraming kung ano-anong usapan. Nagtatanong sila, paano na ang kanyang radio program? Sino na ang papalit sa kanya bilang master showman? Paano kaya ang kanyang TV show at ang mga talent niyang tinutulungan?

Kami man, hindi masasagot ang katanungang iyan. Sa ngayon wala sigurong makasasagot kung ano nga ang mangyayari. Hindi puwedeng bigla. Palagay namin, maraming mga taon pa ang bibilangin bago magkaroon ng isang bagong Master Showman.

Sino ba ang makapipigil sa mga naiiwan sa bahay at maging sa mga nasa kalye, lalo na iyong mga taxi driver, na magpahinga muna at matulog matapos kumain ng tanghalian? Sino ba ang makapagsasabi sa mga tao kung Linggo ng madaling araw na “walang tulugan”? Palagay namin walang makagagawa niyan kundi si Kuya Germs eh.

Maraming gagaya, pero mahirap palitan si Kuya Germs.

HATAWAN – Ed de Leon

About Ed de Leon

Check Also

Maris Racal Anthony Jennings

Maris at Anthony pinagwelgahan na ng mga produktong ineendoso

HATAWANni Ed de Leon NOONG una naming marinig ang statement at apology na ginawa niyong …

Jamela Villanueva Maris Racal Anthony Jennings

Pasabog kina Maris at Anthony parang national issue

I-FLEXni Jun Nardo UMARIBA ang mga sawsawero’t sawsawera sa pagbubuking kina Maris Racal at Anthony Jennings na para bang …

Blind Item Aktor hirap umupo TV Diretor

Male star bumalik sa pagbebenta ng lupa, direk iniwan

HATAWANni Ed de Leon NAKITA namin ang isang male star na gumagawa ng mga BL series sa …

Neri Naig

Neri Naig laya na, kasong isinampa ipinarerepaso 

HATAWANni Ed de Leon HALOS matapos ang limang araw na pinayagan si Neri Naig na madala sa …

Klinton Start

Klinton Start, patuloy sa paghataw sa dance floor

ALAM MO NA!ni Nonie Nicasio ILANG taon na ang nakaraan, isa si Klinton Start sa …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *