No to firecrackers/works manufacturing, isabatas na!
Almar Danguilan
January 5, 2016
Opinion
SINASABING malaki ang ibinaba ng bilang ng mga biktima ng anomang uri ng paputok maging ng pailaw sa nagdaang pagsalubong sa Bagong Taon – 2016.
Well, bunga siyempre ito ng mahigpit na kampanya ng Department of Health (DOH) laban sa nakamamatay na paputok.
Congratulations DOH at siyempre ang Philippine National Police (PNP) na may malaki ring naimbag sa pamamagitan ng pagkompiska o paghuli sa mga ipinagbabawal na paputok. Lamang ang nakalulungkot may mga nakalusot pa ring ipinagbabawal na paputok lalo na ang numero unong – maliit man siya – piccolo. Ito ang may pinakamaraming biniktima.
Pero siyempre, masasabing hindi ang piccolo ang may sala kundi karamihan din sa mga nabiktima ang may sala dahil sa katigasan ng kanilang ulo.
Sabi na ngang ipinagbabawal, hayon bumili pa rin sila. Kaya, anong napala nila? Naputukan sila sa kamay habang ang iba naman ay nadamay lang.
Pero sana, sa susunod na pagsalubong ay zero casualties na.
Sana tuluyan nang ipagpabawal ang paggawa ng paputok maging ng mga pailaw. Katunayan hindi lamang ang paputok ang delikado kundi maging ang mga pailaw – may mga sumasabog na pailaw, ito man ay branded o pipitsugin.
At tulad ng mga dating pagsalubong, marami na naman ang nawalan ng bahay – nasunugan…at ang sanhi ay paputok. Malamang kuwitis ang pinagmulan.
Sana sa taong ito – 2016 — ay kumilos ang mga mambabatas natin. Gumawa ng batas para tuluyan nang ipagbawal ang paggawa ng anomang klaseng paputok – hindi lang piccolo, hindi lang plapla, hindi lang bawang, hindi lang Goodbye Philippines, hindi lang kuwitis kundi lahat ng klase ng paputok na ipagbawal na. Madali lang naman ito kung gugustuhin ng pamahalaan o ng mga mambabatas natin. Gumawa sila ng batas – bawal na ang paggawa ng anomang klaseng paputok. Tapos! Final! Malamang walang disgrasya. Malamang walang mawawalan ng mga tahanan.
Sana pakinggan ng mga mambabatas natin ang panawagan ng DOH at ng Bureau of Fire Protection (BFP) na tuluyan nang ipagbawal ang manufacturing ng mga paputok maging ng mga pailaw.
Sabi, pagtataboy daw ng malas ang paputok. Well, inirerespeto ko ang paniwala ng ilan pero, kayong mga nagpapaputok nang maraming taon na. Kamusta ang buhay ninyo? Malaki ba ang naitulong ng paputok sa inyo? Gumanda ba ang takbo ng buhay ninyo? Yumaman ba kayo sa pagpapaputok?
Isa lang sa tingin ko ang mga sinuwerte sa paputok. E sino-sino pa nga ba kundi ang grupo ng manufacturers ng mga paputok.
Kaya kayong mga nagpapaputok, isipin ninyong mabuti iyan ha. Ang yumayaman ay manufacturers sa tulong ninyo at ang mga corrupt sa gobyerno na nagbigay sa kanila ng permit.
Marahil sinasabi ninyo, KJ ang inyong lingkod. Inaamin ko, simula noong bata ako ay naglalaro na ako ng paputok tuwing Pasko at Bagong Taon. Nang magkatrabaho nga ako ay taunan akong bumibili ng pailaw at paputok. Dumarayo ako sa Bulacan at lately sa Divisoria na. Lantaran ang bentahan sa mga lansangan ng Divisoria. May local at may mga made in China.
Tuwing namimili ako ay umaabot ito hanggang P8,000 habang hanggang P8,000 – P10,000 naman ang Kuya ko.
Pero nitong nagdaang pagsalubong, natauhan na rin kami – actually ang pagbili ng paputok at pailaw noon ay laro-laro lang pero hindi kami naniniwala ni Kuya na pagtataboy ito ng malas.
Iyon nga, nitong nagdaang pagsalubong para sa 2016. Napakalaki ng natipid namin. Hindi na kami bumili ng anomang klaseng pailaw o paputok. Sa halip, nanood na lamang kami kasama ang pamilya, sa mga pinalipad na pailaw ng mga kapitbahay.
Safe na…malaking tipid pa.
Muli tayong nananawagan sa mga mambabatas na pakinggan nila ang panawagan ng DOH at BFP maging ng nakararaming kababayan natin na gumawa ng batas na pagbabawal sa paggawa ng paputok at pailaw.
***
Para sa inyong komento, suhestiyon at reklamo, magtext lang sa 09194212599.