NATAPOS na rin ang sampung araw na Metro Manila Film Festival at sa aminin man natin o hindi, nagsalita na ang publiko. Hindi nila hinahabol iyong magagandang pelikula. Gusto nila iyong mae-entertain lamang sila. Bagamat mapapansin mo na tumaas ang kita niyong Walang Forver matapos na manalo ng awards ang mga bidang sina Jennylyn Mercado at Jericho Rosales, mas malaki pa rin ang kinita ng pelikula ng AlDub na sinasabi ng iba na tadtad ng commercial endorsements at iyong dalawang pelikulang walang nakuha isa mang award, iyong pelikula ni Vice Ganda at Haunted Mansion.
Hindi pa inilalabas ng MMDA ang gross reports ng mga pelikula, pero hindi kami nagkaroon ng duda na panalo nga sa gross iyong pelikula noong AlDub. Hanggang sa huling araw, kahit na nga sinasabing tadtad ng commercials, pinipilahan pa rin iyon ng mga tao. Iyon namang isa noong una ay umaasang sila ang top grosser, tumigil na rin sa pagpo-post ng pictures ng mga pila sa sinehan nila matapos ang ilang araw. Aminado sila na hindi nila matatalo iyong AlDub.
Siguro ang masaya nga riyan ay si Mother Lily Monteverde. Kung iisipin mo, walang malaking artista iyong kanyang Haunted Mansion. Pero napatunayan niya ang kanyang sinasabi na ”ang Regal kilala sa mga horror movies talaga,” at bukod doon nakagawa siya ng mga bagong box office stars, iyong baguhang siJanella Salvador at ang mga baguhan ding sina Marlo Mortel at Jerome Ponce. Isipin mo nga baguhan ginawa niyang bida at kumita. Napatunayan din ni Mother Lily na hindi pa siya kumukupas bilang isang star builder dahil sa nangyaring iyan.
Iyong pelikula naman ng anak ni Mother na si Dondon Monteverde, naging kontrobersiyal matapos na i-disqualify ng MMFF bilang best picture. Surprisingly, hindi rin malakas iyon sa takilya kahit na ang bida ay ang box office star na siJohn Lloyd Cruz. Pero palagay namin happy din sila. Noon namang gawin nila ang pelikulang iyan, hindi iniisip ang box office. Ang iniisip nila ay makagawa ng magandang pelikula, madala iyon sa abroad, at makapagbukas ng foreign market. Palagay namin mangyayari naman iyon.
Sa kabuuan, ok naman iyong Metro Manila Film Festival, iyong handling lang ang mali kaya nagkaroon ng mga problema. Dapat talaga iyang festival na iyan, pamahalaan na lang ng mga tao sa industriya,iyong mga aktibo pa sa industriya na naiintindihan ang kalagayan at sentimyento ng mga tao sa industriya, hindi iyong mga retired na.
HATAWAN – Ed de Leon