Manatiling positibo ngayong 2016
Robert B. Roque, Jr.
January 5, 2016
Opinion
KARAMIHAN ng mga Filipino ay puno ng pag-asa na gaganda ang kanilang buhay ngayong 2016.
Lumabas sa survey ng Pulse Asia na isinagawa mula Disyembre 4 hanggang 11 na ang 89 porsiyento sa ating mga kababayan ay haharap nang “may pag-asa” na magiging matagumpay sa pagpasok ng 2016.
Mas mataas pa ang naging resulta sa Social Weather Stations (SWS) survey mula Disyembre 5 hanggang 8 na 93 porsiyento ng mga Filipino ang umaasang gaganda ang kinabukasan ngayong 2016.
Kompara sa mga naunang survey ng SWS at Pulse Asia ay ngayon lang nakapagtala ng mataas na porsiyento ng mga umaasang magiging maganda ang buhay sa papasok na taon.
Sa halip na manatiling nakabaon sa burak ng pagdadalamhati bunga ng mga kamalasan at trahedya na sinuong noong 2015 ay pinili nilang maging positibo ang pananaw na bubuti ang kanilang buhay at may pag-asang nakalaan sa kanila, na karapat-dapat lang.
Magandang senyales ito dahil lumalabas na malaki na ang ipinagbago ng karamihan ng mga Filipino. Hindi natin maitatanggi na may mga hindi kanais-nais na karanasang nagaganap sa buhay.
Pero kung babalikan natin sa araw-araw ang kapaitan na idinulot nito ay hindi na natin ito maaalpasan. Ang pamumuhay sa sama ng loob at negatibong pananaw ay pag-aanyaya ng karagdagang kamalasan sa ating buhay.
Kung nais nating gumanda ang takbo ng ating buhay ay tama lang na iwan natin sa nakalipas ang lahat ng kabigatan sa dibdib na idinulot ng mapapait na karanasan.
Sa halip ay pilitin nating mabuhay nang walang sama ng loob o negatibong pananaw sa puso. Maniwala tayong makakamit natin ang mga pangarap at magiging maligaya ang ating buhay. Walang duda na may magandang kinabukasan na naghihintay sa mga naniniwalang makakamit nila ito.
Pero dapat panatilihin nila sa buhay at sa puso ang positibong pananaw. Huwag gumawa nang hindi mabuti kailan man o kanino man dahil may karma na kaakibat ang lahat ng ating gagawin, mabuti man o masama.
Higit sa lahat ay huwag kalilimutang magdasal at isapuso ang pagpapasalamat sa lahat ng biyaya na ating natatanggap. Kung batid natin na kasama Siya sa lahat ng ating ginagawa ay hindi tayo maliligaw ng landas kailan man.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.