Tulong sa Nona victims idaan sa NGOs
Almar Danguilan
December 17, 2015
Opinion
WALONG araw na lang Pasko na.
Lamang, nakalulungkot ang nangyari ngayon sa ilang kababayan natin partikular sa Bicolandia. Sinalanta ng Bagyong Nona ang mga lalawigan sa Bicol.
Lubog sa baha ang mga bahay, sira ang kanilang mga pananim at maging ang kanilang mga alagang hayop ay namatay makaraang malunod sa baha.
Batid naman natin na ang malakas na pagbuhos ng ulan mula kay Nona ay may dahilan – matagal-tagal na rin tayong nananalangin ng ulan dulot ng dinaranas nating El Niño.
Bukod dito, ang pagbuhos din ng ulan ay patunay na Buhay ang Panginoong Diyos at nakikinig sa ating Panalangin.
Yes, ang ulan din ay isa lamang sa mga patunay na mahal tayo ng Diyos.
Ano pa man mga kababayan, sino-sino pa nga ba ang magtutulungan sa panahong ito? Walang iba kundi tayong mga magkakababayan. Tulungan po natin ang ating mga kababayang nasalanta.
Marami-rami pa naman siguro sa atin ang hindi pa nakapamili para sa Pasko. Baka naman po puwede kang ‘pumitik’ sa hawak mong salapi ngayon para itulong sa mga kababayan natin. At sa nakapamili na. Naniniwala akong may naitabi-tabi ka pa riyan. Kumurot ka rin po ng konting barya riyan.
Yes, ang barya mo at barya ng iba ay malaking halaga lalo na kung pagsasama-samahin. Hindi lang naman cash ang puwede natin itulong sa mga nasalanta, puwedeng-puwede ang in kind – delata, noodles etc., at siyempre iyong mga damit, kumot, sweater, pantalon na pinaglumaan na puwedeng-puwede pang gamitin. Napakalaking tulong na nito mga kababayan.
E marahil magtatanong kayo kung saan puwedeng ipadala ang inyong tulong. Suhestiyon ko po ay sa non-government organizations (NGOs) ninyo ipadala o sa mga naglalakihang TV network natin.
Ang malalaking kompanya malamang may programa ngayon para sa mga nasalanta.
Yes, sa NGOs o big TV networks ninyo ipadala o ipagkatiwala ang inyong tulong para tiyak na makarating ito sa kamay ng mga nangangailangan.
HUWAG na huwag IPAGKATIWALA sa GOBYERNO. Kita n’yo naman ang nangyari sa mga tulong na galing sa labas para sa mga sinalanta noon ng bagyong Yolando. ‘Sunog’ ang karamihan dito – dahil ipinagkatiwala sa gobyerno.
Inuulit ko HUWAG IPAGKATIWALA sa GOBYERNO ang tulong ninyo para sa mga nasalanta.
QCPD Press Corps, kikilos din
Ang aking pinamumunuang asosasyon ng mamamahayag sa Quezon City ay kikilos at tutulong rin sa mga nasalanta. At tulad nang dati, ang malilikom mula sa bawat miyembro ay aming ipamimili ng goods at ito ay aming ipagkatiwala sa NGO. Para tiyak na makarating sa mga nasalanta.
Sa aming Christmas Party (ngayon o mamayang gabi), mayroon kasing exchange gift na halagang P300. Bale hindi na matutuloy ang exchange gift at sa halip, ang P300 cash para ipambili ng regalo ay kokolektahin na lang – ido-donate ng bawat miyembro. Ang malilikom ay ipambibili ng goods para sa mga nasalanta.
Kaya, ako’y nananawagan sa kapwa ko opisyal ng QCPD Press Corps at 130 members, makiisa po tayo sa pagtulong sa mga nasalanta ni NONA.
Merry Christmas.
Laging tandaan, God Love’s the Cheerful Givers.