ILANG araw din nanalasa ang bagyong may pangalang “Nona” sa bahagi ng Bicol, Northern Samar, Mindoro, sa area ng Calabarzon, Metro Manila at sa ilang bahagi pa ng bansa.
Iniulat ng National Disaster Coordinating Council na maliit lamang ang bilang ng casualty ng typhoon “Nona” kung ikokompara sa mga nagdaang bagyo.
Pasalamat tayo dahil bago pa man tumama ang bagyo sa isang munisipalidad, lungsod o probinsiya ay nakahanda na ang ating mga rescue team mula sa local government units (LGUs), Philippine National Police, Coast Guards, AFP at medical teams mula sa private sectors at sa department of health. Pasalamatan din natin ang volunteers at PAGASA na laging nagbabantay at nagbibigay ng update sa galaw ng bagyo.
He he he!!! Nagkataong magpa-Pasko pa nang dumating sa bansa ang typhoon “Nona.”
Kapag Christmas season ay may mga politiko na takot katukin ang kanilang mga pintuan. Umiiwas sila sa gastos at baka mahingan sila ng aguinaldo.
Kapag may dumarating namang kalamidad sa bansa tulad ng bagyo, lindol, sunog at baha naging kaugalian na ng mga politiko ang magpakain ng mainit na lugaw o sopas sa mga naging biktima.
He he he!!! Siyempre hindi naman manggagaling sa kanilang bulsa ang ipambibili ng rekado sa lugaw at sopas. Kukunin nila iyan sa kanilang pondo de gobyerno. Tubong lugaw pa sila kapag nai-reimburse sa kaban ng bayan ang palugaw at pa-sopas.
Napakalinis na racket!!!
Magaling mam-bully si Duterte
MAGALING mam-bully ng kalaban sa politika ang mayor ng Davao City na si presidential candidate Atty. Rodrigo Duterte.
Sa isang iglap na salita ay kaya niyang pikunin ang dating DILG secretary na si Mar Roxas na katunggali niya sa pagka-pangulo.
Mantakin ninyong sabihin ba niyang ‘di nagtapos ng kursong Economics sa Wharton University ang bata ng palasyo ng Malacañang. Sino ba naman ang hindi mapipikon.
Dahil napikon si Roxas, hinamon niya nang suntukan ang batang taga-Davao City.
Kung susuriin, magaling sa gimmick si Duterte kay Roxas.
Bawat sabihin o salitang lumalabas sa bunganga ni Duterte kinakagat ng media. Kadalasan nagiging headline pa ng mga balita sa TV, radio at sa mga national daily newspapers. Kuwentong walang bayad.
Pinag-uusapan din sa ibang bansa ang style ng political strategy ni Duterte. Isa iyan sa nagpataas ng rating ni Duterte. Ang style niyang kanto boy o isang siga sa pelikula.
Lacson 2nd place sa Pulse Asia Survey
PUMAPANGALAWA sa senatorial survey ang pangalan ni Panfilo “Ping” Lacson na winnable sa 2016 national elections, ayon sa Pulse Asia.
Meaning, pasok si Lacson sa slot ng magic 12 sa senatorial race.
Pangalan naman ni Tito Sotto ang topnotcher sa senatorial race, ayon din sa survey na isinagawa ng Pulse Asia.
Kapag natapos ang national elections sa 2016, ang mga may tahid ring politiko ang magkikita sa gusali ng Senado. Ang grupo ng familiar faces.