SINUGOD namin ang matinding traffic noong isang araw, gusto kasi naming malaman kung ano ang reaksiyon ng mga tao kay Jericho Rosales na siyang pumalit sa ibang actor sa pelikulang Walang Forever.
Nagkaroon nga kasi ng kaunting problema ang dapat sana ay bida roon, at hindi naman mahihintay ng production na magpagaling siya, dahil naghahabol din sila ng playdate. Kasali iyang Walang Forever sa festival.
Pero noong mabasa namin ang synopsis ng pelikula at makita ang kanilang trailer, palagay namin perfect choice na si Jericho sa role na iyon. Baka nga hindi pa credible kung mas bata kaysa kanya ang leading man. Kasi ang role ay isang IT expert, na nagtatrabaho sa abroad. Iyong mga ganyang character, medyo matured na iyan ng kaunti at bagay nga iyon kay Jericho.
Isa pa roon sa role na iyon, kailangang malalim ang acting talaga, dahil may mga eksenang emotional eh, at sa palagay namin magagawa iyong mahusay ni Jericho. Sanay na siya sa mga ganoong role noong araw pa eh. Nandoon din iyong katotohanan na mas malakas naman ang chances nila sa takilya ngayong si Jericho nga ang kanilang leading man.
Minsan nangyayari talaga iyan eh. Hindi ikaw ang first choice, pero lalabas in the end na ikaw ang best choice. Kasi pagdating na sa outcome, lalabas na mas napaganda pa ang role at mas naging commercially viable pa ang pelikula.
Palagay namin si Jericho nga ang best choice para riyan sa Walang Forever.
HATAWAN – Ed de Leon