Maling bentahan ng imported frozen meat sa Baguio, tuldukan na!
Almar Danguilan
December 3, 2015
Opinion
SALUDO ang isang grupo ng meat vendors sa Baguio City sa walang humpay na panghuhuli ng Quezon City government ng mga “botcha” (bulok na karne) at imported frozen meat na nakatiwangwang sa ilang pamilihan sa lungsod.
Noong nakalipas na linggo, umaabot sa 500 kilos na botcha o nakabuyangyang na frozen meat ang kinompiska sa Commonwealth Market at kamakalawa naman ay 600 kilos sa isang palengke sa Novaliches, QC din.
Tama ‘ika ng meat vendors ang ginagawa ng QC government dahil kapag magpatuloy ang pagbebenta ng mga botcha o nakatiwangwang na frozen meat, maraming malalason dito.
Inilinaw ng grupo na wala raw masama sa pagbebenta ng imported frozen meat kaya lang, hindi raw dapat nakatiwangwang at ang tamang pagbebenta ay dapat na nasa loob lamang ito ng freezer.
Ang nangyari kasi ay inilalabas sa freezer at nakabuyangyang sa mesa. Hindi naman ito karne mula sa bagong katay.
Mga kapuso, kapatid at kadugo, ang frozen meat kasi ay dapat manatili lang sa loob ng freezer. Kapag ito’y inilabas sa freezer at ibinuyangyang lang sa mesa habang inilalako, paktay ang makabibili nito. Oo malalason kayo! Habang nakalabas kasi ito ay mabilis mabulok o dapuan ng bakterya. Ang masama, kapag hindi nabenta sa maghapon ang inilabas na frozen meat, hayun ibabalik uli sa freezer at kinabukasan ay ilalabas uli at ibuyangyang.
Sa estilong ito, mabilis na mabubulok ang karne kaya nakalalason.
Ba’t naman saludo ang isang grupo ng meat vendors sa Baguio sa ginagawa ng QC government? Kasi raw po, seryoso ang pamahalaang lungsod sa kaligtasan ng mamimili lalo na ang para sa kanilang kalusugan.
Bakit, wala bang idinedeklarang giyera laban sa mga botcha o maling paglalako ng frozen meat sa Baguio?
Wala! Ha! Anong wala. Wala daw Botcha sa Baguio at sa halip, ang maling pagbebenta ng imported frozen meat ay nagkalat din sa palengke. Hindi daw ito makikita sa mesa ng mga legal na meat vendors kundi nagkalat ito sa likurang bahagi ng palengke… nakatiwangwang sa tabi-tabi ng kalsada partikular na sa KAYANG STREET.
Kanton-karton na nakatiwangwang na ibinebenta nang per kilo – may mga amoy na nga ang iba at pinagpipiyestahan ng langaw.
Ngayon ang ipinagtataka ng mga nagsumbong ay kung bakit hindi man lang boluntaryong inaaksiyonan ng pamahalaang lungsod ng Baguio.
Katunayan, ang KAYANG STREET ay may 200 metro lang ang layo sa City Hall at naniniwala ang mga nagsumbong na batid na ng pamunuan ng local na pamahalaan ang lantarang bentahan ng nakatiwangwang na imported frozen meat sa lugar pero, walang aksiyon ang meat inspection division ng city hall.
Nababahala ang mga lehitimong meat vendor sa lantarang bentahan ng nakatiwangwang na imported frozen meat dahil, karamihan sa suki nila ay mga estudyanteng nagtitipid o ipinagkakasya lang ang allowance.
Mura kasi ang bentahan ng karne pero, hihintayin pa ba ng gobyerno ng Lungsod Baguio na magsasabay-sabay na magdaingan ang mga puwedeng malason sa nakatiwangwang na imported frozen meat sa Kayang Street bago umaksiyon?
Pero teka, infairness sa pamahalaang lungsod, wala pa nga ba silang ginagawang hakbangin laban sa imported frozen meat na mali ang paraan ng pagbebenta sa Kayang St.?
Maaaring meron siguro pero, ang dapat na paraan ng panghuhuli ay gawing habit para tuluyan nang masugpo ang maling estilong pagbebenta ng improted frozen meat.
Baguio City Mayor Mauricio Domogan, sir, kilos at ‘wag na natin hintayin pang… kung anong mangyari sa mga kababayan natin lalo na sa mga estudyanteng nagtitipid na gusto lamang makatikim ng karne paminsan-minsan. Mahirap yatang matsambahan.