KASALUKUYANG nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga kinauukulan kung dapat panagutin ang pamunua ng Angat Dam sa pagkalunod ng apat na kabataan sa Norzagaray, Bulacan.
Sa ulat mula kay Supt. Joel Estaris, hepe ng Norzagaray Police, kinilala ang mga nalunod na sina Lovely Lacaba, 18; Nelson Godi, 18; Butch Harold, 16; at Christian Palen, pawang mga residente ng Brgy. Citrus, San Jose del Monte City.
Habang nasagip ang tatlo pang kabataan na sina Daryll Aglosolos, 15; Lucrisiano Palen, 18; at Luigi Manaay, 17, mga residente rin sa nabanggit na barangay.
Nabatid sa ulat, 2:45 p.m. nitong Martes habang masayang naliligo ang naturang mga kabataan sa Sitio Kanyakan Bakas River, sa Brgy. Matictic, Norzagaray, biglang lumaki ang tubig na naging sanhi ng pagkalunod ng mga biktima.
Ayon sa isa sa mga nakaligtas, mababaw pa at tahimik ang tubig nang sila ay lumusong sa ilog nang bigla na lamang itong lumaki at rumagasa ang agos kung kaya’t nagulat sila at hindi na nakaahon.
Agad nagresponde ang mga tauhan ng Norzagaray at San Jose del Monte rescue teams at sa tulong ng 48th Infantry Batallion ng Philippine Army ay nasagip ang tatlong biktima at narekober ang apat na bangkay.
Sinabi ng ilang residente, baguhan sa lugar ang mga biktima kaya walang kamalay-malay sa oras nang pagpapakawala ng tubig sa Angat Dam na sinasabing sanhi ng kanilang pagkalunod.