P9-M shabu sa QCPD anniversary at Ali bubuhay sa Maynila
Almar Danguilan
November 26, 2015
Opinion
NAKABIBILIB naman ang Quezon City Police District (QCPD) na nasa pamumuno ngayon ni Chief Supt. Edgardo G. Tinio bilang District Director. Bakit kamo?
Paano kasi, kahit abala ang lahat para sa selebrasyon ng ika-76 anibersasyo ng QCPD kahapon, aba’y prayoridad pa rin ni Tinio o ng QCPD ang kaligtasan ng mamamayan ng lungsod lalo na ang pagsugpo sa kriminalidad.
Akalain ba naman ninyo, bago ang selebrasyon na mag-uumpisa dakong 8am kahapon, trabaho pa rin ang inuna ng QCPD imbes paghandaan mabuti ang selebrasyon.
Ganyan po kasi si Gen. Tinio, talagang trabaho muna bago mag-relax-relax o ‘di kaya, hindi uso ang pakuya-kuyakoy sa QCPD. Anytime, nakaalerto kahit na may importanteng ipinagdiriwang na okasyon.
Kunsabagay, noon pa man, hindi uubra sa QCPD ang tutulog-tulog sa pansitan kung kaya, laging naiuuwi ang best police district sa National Capital Region.
Anyway, heto lang naman ang patunay na kahit masyadong abala ang lahat sa QCPD lalo na si Gen. Tinio. Hayun, ang unang oras ng kanilang selebrasyon o pagsikat ng araw ay nakadale lang naman ng P9-million halaga ng shabu.
Yes, sa ikinasang drug buy-bust operation ng District Anti-Illegal Drugs at District Special Operation Unit (DSOU), dalawang bigtime drug pusher ang kanilang naaresto dakong 5:45 am.
Ayos! Galing talaga ng QCPD. Trabaho pa rin ang prayoridad.
Sa operasyon ng DAID na pinamumunuan ni Chief Insp. Enrico Figueroa at DSOU na pinamumunuan naman ni Supt. Jay Agcaoili, nadakip ang dalawang drug pusher na sina Paul L. Co at Arvin Caray matapos makuhaan ng tatlong kilong shabu na may street value na P9,000,000.
‘Ika nga ni Gen. Tinio, bukod sa pagsaludo niya sa trabaho nina Agcaioli at Figueroa sampu ng kanilang mga tauhan, marami na namang masasabing kabataan ang nailigtas sa operasyong ito.
Tama ka riyan, General.
Biro nga naman ninyo mga kababayan, kung nakalusot ang tatlong kilong shabu, aba’y katakot-takot na namang krimen ang puwedeng mangyari bukod sa marami rin kabataan ang masisiraan ng kinabukasan.
Hanep talaga ang QCPD, kahit na maging abala sana sila sa okasyon, prayoridad pa rin nila ang pagsugpo sa kriminalidad.
Pero siyempre, matapos ang operasyon, tuloy ang ligaya – tuloy ang selebrasyon na dinaluhan naman nina QC Mayor Herbert Bautista at NCRPO Chief, Director Joel D. Pagdilao.
Bukod dito, dumating rin para saludohan ang QCPD hindi lamang para sa anniversary celebration kundi para suportahan ang pulisya sa magandang accomplishment nito si DILG Sec. Mel Sarmiento.
Gen. Tinio, congratulations at mabuhay ang QCPD!
***
Okey pala itong si Ali Atienza na makisama kaya kahit saang barangay sa Maynila bumisita ay tanggap siya ng mamamayan.
Katunayan, kahit hindi pa man natin nakakasama si Ali pero base sa mga komento, isa lang ang sinasabi nila. Si Ali raw ang bubuhay ng bagong Maynila! Bakit “paktay” na ba ang Maynila? Oo daw! Hehehe.
Mukha raw kasi patay na ang tunay na serbisyo para sa Manilenyo – mga benepisyo para sa mamamayan ay tila wala na at sa halip ay maraming mga insidente ng panggigipit ang naranasan nila, lalo na ang mga negosyante, vendors at kahit ang mga simpleng naghahanapbuhay ay tila nawalan na raw ng karapatan na mamuhay nang marangal at tahimik.
Sa pagtakbo ngayon ni Ali bilang Vice Mayor ng Maynila, nakakita na raw sila ng pag-asa na manumbalik ang sigla at kabuhayan ng Manilenyo. Umaasa sila na mababago ang kalakaran ng maruming sistema na umiiral ngayon.
Ito marahil ang dahilan kung bakit saan man magtungo o mapagawi si Ali, hindi maiwasan na itaas ang kanyang kamay ng mga residente upang ipakita at iparamdam sa kanya ang kanilang suporta.
Maibabalik ang ganda at larawan ng Maynila bilang isa sa sentro ng pangangalakal at turismo sa bansa.
Nasa Maynila ang maraming magagandang lugar na sa ngayon ay tila napabayaan.
Ang kalakalan na nanlamig dahil sa maling pagpapatupad ng ordinansa na nagiging dahilan upang umiwas ang investors na maglatag ng negosyo sa Maynila. Ang masang Manilenyo na umaasa sa maliit na kinikita araw-araw ay napeperhuwisyo pa.
Sabi ng maraming Manilenyo, si Ali raw ang sagot sa dinaranas nilang kahirapan ngayon. Naniniwala sila sa kakayahan at determinasyon ni Ali na baguhin at pasimulan ang bagong Maynila sa kanyang panahon sa 2016.