DAHIL sa maagang bakasyon ng De La Salle University ngayong UAAP Season 78, usap-usapan ang magiging kinabukasan ng head coach ng Green Archers na si Juno Sauler.
Sinisi ng mga tagahanga at alumni ng La Salle si Sauler dahil hindi nga nakapasok ang Green Archers sa Final Four.
Magpupulong ang ilang mga opisyal ng La Salle sa susunod na linggo upang pag-usapan ang susunod na plano ng pamantasan para sa UAAP Season 79.
May mga tsismis na lumabas na kung mananatili si Sauler sa La Salle ay hindi na lalaro si Jeron Teng sa Archers sa susunod na taon at tuluyan nang makapasok sa PBA draft.
“You always have to be ready for the future. If you are not ready for the future, malaking problema ‘yun,” wika ni Sauler bilang reaksyon sa mga tsismis.
Samantala, nakuha ni Kiefer Ravena ng Ateneo ang ikalawang sunod niyang parangal bilang Most Valuable Player ng UAAP men’s basketball.
Angat si Ravena sa statistical points kontra kina Kevin Ferrer at Ed Daquioag ng UST, Alfred Aroga ng NU at Jeron Teng ng La Salle.
Ang huling naging back-to-back MVP ng UAAP ay si Bobby Ray Parks noong 2011.
Si Parks ay naglalaro na ngayon sa NBA D League.
Si Andrei Caracut ng La Salle naman ang napiling Rookie of the Year.
( James Ty III )