TUMULAK na papuntang New York, sa America si ABS-CBN President, Chief Content Officer, at CEO na si Charo Santos-Concio para pangunahan ang pagbubukas ng 43rd International Emmy Awards na gaganapin ngayong Lunes bilang bahagi ng kanyang pagiging Gala Chair.
Nag-uumapaw sa galak si Charo sa pagkakataong ibinigay sa kanya ngiEmmy’s board para i-host ang pinakamalaking pagtitipon ng pinakamahuhusay na creative at production teams at talents mula pa sa iba’t ibang panig ng mundo.
“Hindi ko akalain na mabibigyan ako ng opportunity to be really of service to our Kapamilya, to our kababayans—to be able to represent our country and my company with pride and honor.”
Kaugnay nito, ipinahayag din ni Charo ang kompiyansa sa galing at husay ng Pinoy pagdating sa larangan ng broadcasting.
“A lot of Filipinos have great stories to tell about our Filipino spirit of strength and resilience. And I really hope more of our shows would be recognized by the international community. I’m sure na isang araw na five to ten years from now Filipino content will be as big as content from other parts of the world,” sabi niya.
Makakasama ni Charo sa prestihiyosong gabi ang aktor na si Piolo Pascual na naimbitahan naman para maging isa sa presenters. Makakahanay ni Piolo ang mga naglalakihang artista mula sa iba’t ibang panig ng mundo kabilang sina Michael Douglas, Tovah Feldshuh ng The Walking Dead, Patina Miller ng The Hunger Games, at Lea DeLaria ng Orange is the New Black.
“It’s really overwhelming. This is something new for me and I’m just excited to be there and represent the country with Tita Charo. I’m really excited because we’re carrying the flag of the Philippines,” sabi ni Piolo.
Bukod sa pagiging Gala Chair ng iEmmys, kinilala na rin si Charo sa iba’t ibang international award giving bodies. Napili na siya bilang Asian Media Woman of the Year ng Content Asia, pinarangalan ng Gold Stevie award para sa Female Executive of the Year in Asia, Australia, or New Zealand category sa Asia Pacific Stevie Awards, at pinangalanan bilang isa sa most powerful/influential women ng Adobo Magazine.
Ang 43rd International Emmy Awards ay gagawin sa New York Hilton Hotel at pangungunahan ng Egyptian satirist na si Bassem Youssefbilang host. Ito ay inorganisa ng International Academy of Television Arts & Sciences na kinabibilangan ng nangungunang media and entertainment figures mula sa mahigit 60 bansa at 500 kompanya. Layunin nito na kilalanin ang pinakamahuhusay sa larangan ng telebisyon sa iba’t ibang panig ng mundo.