Friday , November 15 2024

“Lambat Sibat” sa Marikina kakaiba?

00 aksyon almarPAANO kaya kung hindi mamamahayag si Edmar Estabillo, reporter ng DZRH? Buhay pa kaya ang mama hanggang ngayon? Mabuti na lamang at isa siyang mamamahayag kung hindi mas malala pa ang nangyari sa kanya.

Kaya my dear readers, mag-ingat kayo sa mga Marikina police este, hindi naman lahat ng pulis sa Marikina police station ay pulpol.

Naguguluhan ba kayo my dear readers?

Ganito ‘yon. Nitong Nobyembre 10, 2015, dakong 7:45am, nagpunta sa Marikina Police Station si Estabillo para alamin kung mayroon magandang istorya na puwede niyang iulat sa kanilang estasyon para malaman ng mamamayan kung ano o kung mayroon nangyaring anomang insidente sa lungsod.

Pagpasok niya sa presinto, walang tao o iyong naka-duty na desk officer sa harapan. Kung baga, inabandona ng desk officer ang kanyang assignment. Dumeretso pa rin si Estabillo at kanyang nakasalubong si SPO2 Manuel Laison mula sa investigation room.

Ayon kay Estabillo, hiniling niya kay Laison kung puwede niyang silipin ang blotter. Hayun, pabalagbag o aroganteng sinagot daw siya ni Laison kung sino siya kaya nagpakilalang reporter si Estabillo. Hinanapan din siya ng ID nang paarogante rin.

Maya-maya ay inaresto na raw siya ni Laison dahil dinuduro daw siya ni Estabillo…at pilit na dinala sa investigation room na ipinagtataka ni Estabillo.

Pero base sa isang anggulo naman ng nakuhang kopya ng CCTV camera ni Benny Antiporda, National Press Club Vice President, taliwas ang pinagsasabi ni Laison na pinagduduro siya ni Estabillo kaya inaresto at pilit na binitbit sa investigation room.

Sa investigation room, kinompiska pa ni Laison ang cellphone ni Estabillo nang tumawag para ipaalam ang nangyayari sa kanya. Taliwas din ito sa kalakaran na dapat payagan ang sinoman inaresto na tumawag sa kaanak para ipaalam ang pag-aresto sa kanya.

Base pa rin sa CCTV, maya-maya makikitang lumalabas si Estabillo sa investigation room at walang awang binalya at pinosasan siya ni Laison. Makikita rin na hindi nanlaban si Estabillo taliwas sa sinasabi ni Laison kaya niya inaresto o itinuring na parang kriminal – mamamatay tao, most wanted ng bansa etc.

Gen. Artemio Marquez, PNP chief, mukhang ibang klase yata ang pagpapatupad ng Marikina Police sa Oplan Lambat Sibat mo. Kakaiba.

Ang masaklap, pinapanood pa ng ilang pulis ang ‘overkill’ na ginawa ni Laison kay Estabillo. Isa pa nga sa mga naroroon lamang sa insidente ay tinulungan si Laison. Inabutan niya ng posas si Laison at saka tumalikod na parang walang nangyari at panay tingin sa relo niya.

Kaya dapat din na isama sa imbestigasyon ang mga pulis na naging iresponsable sa ‘overacting’ na pag-aresto kay Estabillo.

Makaraan, ipinasok uli si Estabillo sa investigation room at tuluyan nang kinasuhan ng direct assault, unjust vexation at simple disobedience sa Marikina Prosecutor’s Office.

Anak ng… pusa, kung pagbabasehan ang CCTV, taliwas ang lahat – ang sabing pinagduduro ni Estabillo ang pulis kaya siya inaresto. O sige, ipagpalagay natin totoong naging arogante si Estabillo. Tama ba iyong ituring nang isang kriminal si Estabillo? Ano pa man, hindi natin alam kung ano pa ang ibang nangyari sa investigation room. Kaya inirerespeto rin natin ang panig ni Laison na hindi raw iginalang ni Estabillo ang kanyang uniporme. Sige, pero tama bang ituring na parang isang hayop si Estabillo? Paano na kaya kung hindi mamamahayag si Estabillo at isa siyang tambay o mangangalakal?  Malamang na lalabas na nang-agaw siya ng baril sa loob ng presinto kaya kapag minalas-malas. Hindi naman gagawin ‘yon sa Marikina.

Sa insidente, agad namang ipinag-utos ni Chief Supt. Elmer Jamias, EPD Director, ang pag-relieved sa posisyon kay Laison habang iniimbestigahan ang insidente pero sa kabila ng relieved order, si Laison pa uli ang naglagay ng posas kay Estabillo nang dalhin sa korte para kasuhan.

Ayos!

Director Joel D. Pagdilao, NCRPO chief, mukhang malaking hamon yata sa inyo ang attitude ni Laison. Total relieved muna siya, ano kaya kung pansamantala italaga muna siya sa Mindanao para itapat sa ASG. Ang tulad kasi ni Laison ay kailangan natin para masugpo ang ASG. Sayang siya – isa siyang magaling na pulis…at malamang na pakikinabangan siya ng bayan kapag inilaban sa ASG. Malamang ubos ang ASG kapag si Laison ay iyong italaga roon.

‘Nga pala, si Madelyn Dominguez , Manila Bulletin ay nakaranas noon ng panghaharas sa kamay ni Laison kaya na-relieved din noon pero ‘di nagtagal nakabalik si Laison sa Marikina. Ang lakas!

Kaya PNP chief, Director Gen. Ricardo Marquez at NCRPO chief, Director Joel Pagdilao, your attention is badly needed. Mukhang kakaiba yata  ang pagkaintindi ng ilang pulis-Marikina sa Lambat Sibat. Dapat siguro, ipaliwanag mabuti sa kanila ang oplan.

Pero batid naman natin na maraming pulis-Marikina ang nakaiintindi kung ano ang Oplan LS.

Yes, saludo pa rin tayo sa mga matitinong pulis ng Marikina.

About Almar Danguilan

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *