Move on Mr. President! — Bongbong
Jerry Yap
November 4, 2015
Bulabugin
IMBES makipag-away kay Sen. Bongbong Marcos, bakit hindi na lang pagtuunan ng pansin ni Pangulo Benigno Aquino kung paano niya malulutas ang problema ng Filipinas tulad ng mataas na presyo ng bilihin, koryente, tubig, bigas at mababang sahod ng mga manggagawa.
At ang trending sa buong mundo na ‘laglag-tanim-bala’ sa airport!
Sa halip na manawagang humingi ng “I am sorry” si Bongbong sa ginawang pagdedeklara ng Batas Militar ng dating Pangulong Ferdinand Marcos, mas makabubuting harapin na muna ni Aquino ang kasalukuyang problema ng taong bayan.
Ano ba ang nangyayari kay PNoy, kung tutuusin kasi, wala naman dapat ihingi ng sorry si Bongbong sa nangyaring pagdeklara ng martial law ng kanyang amang si Marcos.
Kung meron man, ang kailangan humingi ng paumanhin ay walang iba kundi si Aquino, lalo na sa usapin ng pagkakapatay sa 44 miyembro ng SAF na hanggang ngayon ay hindi pa rin nabibigyan ng katarungan.
Hindi sapat na sabihin lang ni Aquino na inaako niya ang responsibilidad sa pagkamatay ng SAF-44 kundi dapat direkta siyang humingi ng tawad sa publiko, higit pa sa mga naulila ng mga napaslang na miyembro ng special forces.
Hindi lang sa isyu ng Mamasapano massacre kailangan mag- sorry si Aquino. Paano naman ang iba pang mabibigat na isyu gaya ng DAP, Zamboanga massacre, Yolanda victims, ang pagkontra niya sa pagpapababa sa income tax, ang pangakong nakabinbin na Freedom of Information Bill, ang patuloy niyang “Noynoying” at iba pang mga kapalpakan ng gobyernong Aquino lalo na sa Bureau of Immigration.
Gaya nang pag-appoint ng isang greencard holder na mamuno ng ahensiyang ito?!
Unahin na muna ni Aquino ang mag-sorry sa kanyang pagkukulang sa publiko bago niya hamunin na humingi ng sorry si Bongbong.
Malinaw ang pahayag ni Bongbong na wala naman siyang sinasaktan o nagawang krimen kaya paano umano siya magso-sorry sa taong bayan.
May punto naman ‘di ba?
Vindictive ba talaga si Aquino? Hindi marunong magpalagpas at talagang may katotohahanan talaga ang sinasabing merong hindi magandang pag-uugali at mapagtanim ng galit sa kapwa ba talaga si Noynoy?
Parang lumalabas na ‘Boy Resbak’ si Aquino.
Ang trip lagi ay makipag-away sa hindi niya kakampi at kapartido. Move on na dapat si Aquino at unahin na lang ang kalagayan ng mga api niyang kababayan.
Kung magagawa ni Aquino sa kanyang nalalabing mga buwan ng panunungkulan na matulungan ang mahihirap, sa palagay ko ay mas may magandang imahe siyang iiwan sa taong bayan.
Again Mr. President, please move on!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com