SA totoo lang, nakalulungkot naman ang nangyayari sa love life ni Vina Morales. Ang akala namin magiging happy na nga siya nang sabihing mayroon na siyang lovelife ulit, at isang French man daw iyon, pero may kasunod na naman palang gulo.
Iyon namang ex girlfriend niyong kanyang boyfriend ngayon ang galit na galit kay Vina dahil sa bintang na pinipigilan daw niya ang kanyang boyfriend na dalawin man lang ang anak niyon sa kanyang ex. Inamin naman niyong ex girlfriend na break na sila ng boyfriend nang maging syota iyon ni Vina.
Kung iisipin ninyong mabuti, iyong problema niyong boyfriend ni Vina at iyong kanyang ex ay problema na nila iyon. Anak nila iyong bata. Kung gusto ng nanay na bigyang panahon ang kanyang anak at sustentuhan siguro, silang dalawa ang dapat na mag-usap. Hindi naman siguro tama na si Vina ang tatarayan niya dahil lamang ang aktres ay naging girlfriend ng ex boyfriend niya.
Ibang usapan iyon kung ang naunang babae ay asawa, o kasal sa lalaki. Sa kasong iyan ay hindi naman, kaya lang naanakan siya. Hindi nawawala ang responsibilidad ng lalaki sa kanyang anak kahit na may bago na siyang syota, o mag-asawa man siya, pero iyon ay kung kinikilala nga niya ang kanyang anak. Dito kasi sa Pilipinas, ayon sa umiiral na batas, ang isang bata na ipinanganak ng hindi kasal ang mga magulang ay nananatiling “anak lamang ng kanyang ina”. Maliban kung kikilalanin siya ng kanyang ama, at kailangang pirmahan niyon ang birth certificate ng bata, bilang pagkilala na siya nga ang tatay kahit na hindi siya kasal sa nanay.
Kung ganoon ang sitwasyon ang isang batang ipinanganak out of wedlock ay dapat na makakuha rin ng kaparehong sustento ng isang legitimate child. Kung hindi naman lehitimo ang bata, may itinakda ring karapatan ang mga batas.
Pero kung iisipin, walang kinalaman si Vina sa problema nila. Hindi dapat na si Vina ang kanyang tinatalakan.
HATAWAN – Ed de Leon