MUKHANG talagang inaalat na ang career ni Aljur Abrenica. Iyong isang historical film na gagawin sana niya para sa festival ay hindi na matutuloy dahil wala raw silang makuhang investors para mamuhunan sa nasabing pelikula. Hindi mo masasabing hindi commercially viable ang pelikulang iyan. Kung walang pag-asang kumita iyan, hindi iyan isasali ng festival dahil iyang MMFF ay isang trade festival at ang unang consideration nila sa pamimili ng pelikula ay commercial viability. Ang pumipili ng mga pelikula riyan ay mga kinatawan ng mga sinehan na siyang unang malulugi kung hindi kumita ang pelikula.
Pero iyon nga eh, ang consideration naman nila ay iyong buong project. Iyong investors naman, ang tinitingnan siyempre ay iyong popularidad ng mga artista para tingnan kung babalik ba ang kanilang puhunan o hindi. Riyan medyo tagilid si Aljur.
Una, wala pa namang hit na pelikula si Aljur na masasabi niyang kanya talaga. Ikalawa, wala pa rin namang masasabing hit na series si Aljur. Ikatlo, ngayon ay panahon na ng AlDub at iyon ang pinagkakaguluhan ng mga fan. May pelikula iyong Aldub sa festival. Kung individual matinee idols naman, ang sikat ngayon ay si Daniel Padilla. Ano nga naman ang chances ng isang pelikula ni Aljur Abrenica?
Sayang din kung iisipin dahil kumita at hanggang ngayon kumikita pa ang historical film na Heneral Luna, dahil maganda ang pelikula at makatotohanan ang pagkakalarawan sa kasaysayan. Maganda nga sanang follow up iyang historical film na gagawin sana ni Aljur, kaso walang nagtiwalang investors sa kanila kaya hindi tuloy ang pelikula.
HATAWAN – Ed de Leon