Kami ang unang nagsulat na hindi marunong gumamit ng ‘opo at po’ si Andrei at tinanong din namin kung sadyang hindi siya tinuruang gumalang sa nakatatanda.
Bukod dito ay iba ang tono ng pananalita ng binata noon lalo na kapag napag-uusapan ang ina niyang si Jackie Forster.
Sa thanksgiving presscon noon ng seryeng Got To Believe (2014) ay ipinagtanggol ni Benjie Paras ang anak at magalang na bata raw si Andrei.
Nabanggit pa ng ibang tagapagtanggol ni Andrei na Inglesero raw kasi ang binata at mahirap itong gamitan ng ‘po at opo’ bagay na taboo para sa amin ang katwirang ito.
Dahil bakit naman si James Reid na Inglesero ay magalang at naisisingit ang po at opo.
Baka talagang hindi pa sanay si Andrei noon na humarap sa media at kasagsagan ng isyu tungkol sa nanay nilang si Jackie na ayaw na ayaw niyang pag-usapan kaya iba rin ang tono ng pananalita niya noon.
Kaya naman nagulat kami sa Wang Fam presscon dahil ang laki na ng ipinagbago ni Andrei dahil kahit na nag-i-English siya ay may kasunod kaagad na po at opo.
Kaya Ateng Maricris, gusto naming interbyuhin ng one-on-one si Andrei dahil alam naming maraming bagay kaming malalaman sa kanya at tiyak kaming gusto rin naman ito ng supporters niya.
Anyway, bukod kay Andrei, kasama rin niya sa Wang Fam ang tatay niyang si Benjie, Yassi Pressman, Candy Pangilinan, Wendell Ramos, Atak, Joey Paras, at Alonzo Muhlach, Pokwang.
Kasama rin ang alaga ng katotong Ogie Diaz na si Dyosa Pockoh na ayon kay direk Wenn ay, “sinadya ko siyang isama sa cast kasi nakita at naramdaman kong isa siyang nilalang na kumakatok at humihingi ng tulong na bakit hindi natin bigyan ng tsansa.”
Mapapanood na ang Wang Fam sa Nobyembre 18 nationwide mula sa Viva Films at base sa trailer ay tiyak na marami na naman ang mababaliw sa katatawa dahil kay direk Wenn.
FACT SHEET – Reggee Bonoan