Nakatsikahan namin si Mayor Len sa nakaraang ASAP20 show na ginanap mismo sa ipinatayong Alonte Sports Arena na kayang pumuno ng mahigit sa 5,000 at airconditioned pa.
Naging mainit ang isyu kamakailan ang pagsayaw ng malaswa ng Play Girls sa kaarawan ni Laguna Representative Benjie Agarao under Liberal Party na naging dahilan para kasuhan si rating MMDA Chairman Francis Tolentino sa paglabag ng Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at Magna Carta for Women na isa sa panauhin ng may kaarawan.
Hindi naiwasang tanungin ang mayora ng Binan City kung may say siya sa mga public performances na gustong mag-show sa Alonte Sports Arena tulad ng ginawa ng Play Girls.
Paano kung may ganitong performances ang ibang programa na gustong mag-show din sa nasabing venue?
“Of course, oo, pero confidant naman ako na kapag ‘yung show ng ‘ASAP’ ay wala naman tayong kakabahan na may ganoong eksena, so hindi ko na binigyan ng advise ‘yung organizer kasi alam ko naman na very wholesome sila.
“Pero of course sa iba (gustong mag-show), sinasabi namin iyon. Like kami kapag Christmas party, may mga nagsa-suggest na gusto nila mga sexy girl, eh, sinasabi namin na huwag kasi unang-una ang mayor nila ngayon ay babae.
“Sabi ko nga, ‘pag lalaki na mayor n’yo, puwede na siguro, ha, ha. Siyempre ako mayor, poprotektahan ko ang mga kababaihan,” magandang paliwanag ni Mayor Len.
Samantala, klinaro ng ginang na last term na niya bilang Mayor ng Binan City kaya hindi masasabing nangangampanya siya dahil pinayagan niyang mag-show ang It’s Showtime at ASAP20 sa bayan niya.
Lone district ang Binan City kaya sure winner na siya kapag kumandidato for congress na noong nakausap namin si Mayor Len ay wala pa siyang final answer kung tutuloy siya sa congress o hindi dahil nga gusto naman niyang bigyan ng panahon ang mga maliliit niyang anak dahil siyam na taon din daw niyang hindi masyadong nabantayan ang mga tsikiting niya.
“Oo kasi kawawa talaga ang mga anak ko, sa Binan lang ubos na oras ko, magdadag pa ako ng dalawang cities, hindi ko na kaya,” sabi ng butihing mayora ng Binan City.
Payo ng isa sa kaibigan niya tulad ni Laguna 1st district Representative Dan Hernandez ay subukan niya kahit isang termino lang sa kongreso para mapangalagaan pa rin ang bayan niya tutal wala naman siyang ibang makakalaban kaya sure winner na at tatlong beses sa isang linggo lang naman ang session kaya may panahon pa rin siya sa pamilya.
Kaya naman noong Oktubre 12, Lunes ay naghain na siya ng certificate of candidacy para sa posisyong Congresswoman of the Lone District of Binan.
Going back to showbiz ay hindi itinanggi ni Mayor Len na talagang mahilig siya sa artista at sa katunayan ay die hard fan siya ni Piolo Pascual na talagang kinikilig siya kapag nakikita ang aktor.
Pati ang mga anak niyang maliliit pa ay may mga gustong-gusto na ring artista tulad nina, “mga anak ko, sina Coco Martin at Daniel Padilla ang gusto nila.”
Kaya naman noong mag-show ang It’s Showtime at ASAP20 sa Binan City, “’am sure hindi malilimutan ng mga anak ko ito kasi feeling nila superwoman si mama nila at saka ngayon lang din nila siguro na-appreciate na mayor ang nanay nila.
“Kasi lagi nilang sinasabi na, ‘no time for us’ kasi nga ‘di ba ‘yung time ko ‘pag darating ako, tulog na sila, kapag sila naman ang aalis for school, ako naman ‘yung tulog.
“So, binibilang din nila ‘yung araw na mag-retire ako kaya ‘yung congress talagang pinag-isipan ko.
“I have only two kids, gusto ko lima kasi sa politika dalawa lang sila (future politicians), isang 10 years old and 6.”
Sa kabilang banda, ibinalik namin ang tanong kung paano sila naging close ni Kris gayung hindi naman nakatira sa bayan niya ang Queen of All Media. Bukod dito ay napansin din naming kasa-kasama rin si Mayor Len sa mga showbiz gatherings ng TV host/actress.
At maging sa pelikulang Etiquette For Mistresses ay may cameo role rin si Mayor Alonte.
“Ay sa ‘Etiquette’, oo nga, one of the ninang (kambal na anak nina Kris at Derek Ramsay), oo ang laki ng eyebugs ko roon. Hindi ako nakatanggi kay ate Kris at ako rin ang nagtawag ng mga ninong like si Joel Villanueva (dating Tesda chief) ang Congressman Dan Fernandez kasi biglaan, wala raw silang (Kris at Derek) makuhang ninong at ninang, so ako na ‘yung naghanap.
”Alam mo, hindi ko nga ini-expect na magiging ganoon kami ka-close ni ate Kris kasi it started campaign noong 2010.
“Dito sa Laguna, lahat ng mga Mayors party, ako lang ‘yung sumama kay President Noy Aquino bilang campaign mayor na sumama Liberal (party) noong 2010.
“At that time, wala akong kalaban, so puwede sana akong mag-relax pero pinili kong tumulong, so siguro ‘yun ‘yung hindi nila malimutan siguro and I’m very grateful na parang nire-reciprocate nila, eh, wala naman akong hinihintay na kapalit iyon.”
FACT SHEET – Reggee Bonoan