Last day ng filing ng CoC ng mga kandidato sa 2016
Joey Venancio
October 16, 2015
Opinion
HULING araw ngayon ng paghahain ng certificate of candidacy (CoC) para sa mga lalahok sa halalan sa 2016.
Kaya malalaman na natin kung sino-sino ang ating pagpipilian para mamuno sa ating bansa, sa lalawigan at sa bayan-bayan.
May pitong buwan tayong pag-aaralan ang pagkatao ng mga kandidato bago natin sila ihalal sa Mayo 9 sa susunod na taon.
Maghahalal tayo ng presidente at bise presidente at 12 senador na manunungkulan nang diretsong anim na taon sa national government, tapos kongresista, gobernador, bise gobernador, mayor at bise mayor sa lokal na pamahalaan.
Sana makapili tayo nang tama. Huwag nang ihalal ang mga kandidato na may masamang rekord at nagpapayaman lang sa puwesto.
Gising, bayan!
Medical mission ng 4Ps sa Bacolod City
– Sir Joey, dito po sa Bacolod City ay may medical mission ang 4Ps sa New Government Center. Daming doktors pero pagkatapos ng konsulta walang gamot na maibigay. Ang tagal pa naman namin nakapila, tapos ituturo ka mila sa Bacolod City Health. Pagdating mo naman doon sasabihin nila walang gamot. – 09124129…
Totoo ba ito? Aba’y nag-medical mission pa ang mga ‘yan kung hanggang checkup at BP lang pala ang kaya nilang ibigay sa inyo. Panis!
Para hindi ma-displace ang mga Lumad sa kanilang ancestral domain
Sir, Sir, kung nais talaga ng gobyerno na hindi ma-displaced ang mga Lumad sa kanilang ancestral domain, kailangang ma-neutralize ang mga armadong grupo sa lugar ng Lumad. Kasuhan ang mga tunay na pumatay sa mga leaders ng Lumad.
Magkano ba ang magagastos para ma-neutralize ang mga armadong grupo kaysa magpatayo ng mga evacuation center? Magpakain kada araw sa mga pamilyang Lumad na lumikas sa kanilang pamayananan. Hindi lang magpakain kundi bigyan pa sila ng kanilang mga personal na pangangailangan. Milyon-milyong piso ang ginagasta ng gobyerno para sa kanila. Tapos sasabihin pa ni Cristina Palabay, Secretary General ng Karapatan, na walang ginagawa ang gobyerno sa kapakanan ng mga Lumad? Hindi pa ba sapat ang pagkalinga ng gobyerno na kinakatawan ng DSWD, National Commission on Indigenous People, PNP at AFP? Kayo nga ang magpakain ng libo-libong pamilya ng Lumad kung hindi kayo marindi? Kayo nga ang magsilbing protector ng mga Lumad laban sa mga armadong grupo? Magagawa niyo ba ang lahat ng ito? Tapos sasabihin niyo paalisin ang militar sa pamayanan ng Lumad. – RONEL A. ALAGAR
2 llighthouse ng China sa Cuartenon Reef at Johnson South Reef
Mr. Venancio, ang pagsindi ng dalawang lighthouse o parola sa Cuartenon Reef at Johnson South Reef sa kapaligiran ng West Philippine Sea ay sumisimbolo na tunay ngang ang hangganang iyon ay pag-aari na ng China. Ayon nga kay I-BAP Party List Rep. Silvestre Bello III, “ipaglalaban na ng China ang mga teritoryong ito nang patayan.” Ayon naman kay House Deputy Minority Leader, Arnel Ty, “tuluyan nang makakawala ang mga yaman sa ilalim ng Spratly Islands partikular ang mga langis at gas bukod sa laman-dagat.” Lahat nang kanilang sinabi ay sinasang-ayunan ko.
Hindi naman magkukumahog ang China kung wala silang pakinabang sa nasabing karagatan. Maraming langis at gas ang mai-explore ng China. Ilang dekada ang mapapakinabangan nila rito. Bilyong-bilyong salapi ang mapupunta sa kanilang kabang yaman. Kung hahayaan ng pamahalaang Pilipinas na mapunta sa China ang angking kayamanan ng bansa. Talagang pera na magiging bato pa. Sa Enero pa lalabas ang desisyon ng International Tribunal on the Law of the Sea (ITLOS) ng UN. Kaya ganoon na lamang ang pagmamadali ng China sa kanilang mga aksyon. Ngayon ang DFA ay magsasagawa pa ng validation sa nasabing report. ‘Pag na-validate na ng DFA anong next move ang kanilang gagawin? – THERRY A. OBIN
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015