BATID natin ang kasipagan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa paghahabol sa mga masasabing dorobong negosyante, sa pagbabayad ng buwis mula kanilang kita.
Masasabing isa sa pinagbabasehan ng BIR sa komputasyon para sa babayarang buwis ng isang negosyante ang “official receipt” bukod nga sa librong idinedeklara din ng taxpayer.
Pero paano kung ang isang negosyante ay masyadong magulang – hindi nagbibigay ng OR sa kustomer? E di lumalabas na dinadaya lang nila ang gobyerno o ang mamamayan, lalo na ang kustomer.
Katunayan, maraming negosyante ang may ganitong estilo (maging mga doktor) ang hindi nagbibigay ng resibo (OR ha), kahit na humingi pa ang kustomer.
Palusot ng iba ay naubusan daw sila habang ang iba ay OR na raw iyong cash invoice, sales invoice, delivery receipt, order slip etc.
Oo iyan ang estilo ng nakararaming negosyante o establisimiyento. Katunayan, maging ako ay nakararanas nito pero ipinipilit kong bigyan nila ako ng OR at kapag walang maibigay ay pinapapirma ko sila sa resibong ibinibigay nila at pinalalagyan ko ng note na “no OR available” or “we don’t issue OR.”
Kapag pinagagawa ko ito, bigla na lamang lumalabas mula sa kanilang baul ang OR. Mayroon naman pala. Mga gunggong talaga ang karamihan sa mga negosyante.
Kaya mga suki, pilitin ninyong makakuha ng OR sa bawat pagbili ninyo lalo na’t naka-charge pa sa inyo o sa ating (customer) ang buwis. Kaya, kapag hinayaan ninyo ito, hindi lang ang gobyerno ang pinagnakawan ng mga mandarayang negosyante kundi maging tayo.
Isa sa dapat na habulin ngayon ng BIR ang Jupiter Aluminum shop sa Barangay Banaba, San Mateo, Rizal. Gumagawa ng bintana, pintuan at iba na yari sa aluminum. Bakit nararapat habulin ng BIR?
Hindi-hindi o ayaw ng shop ang magbigay ng resibo lalo na ang OR o kahit na anong resibo.
Batid natin ito batay sa naging karanasan ng isa sa customer ng Jupiter. Nagpagawa ng dalawang bintana kamakailan (halagang P7,000). Cash niyang binayaran matapos na ikabit ang dalawang bintana, hayun, hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbibigay ng resibo o OR ang Jupiter.
Ilang beses nang tinawagan ang Jupiter… at nangako naman silang idedeliber na lamang nila ang resibo pero halos dalawang buwan na ang nakalilipas. Hanggang ngayon ay wala pa ‘yong OR.
Ang tanong tuloy dito ay lisensyado kaya ang shop? Kung may business permit naman mula sa BPLO ng munisipyo ng San Mateo, e ba’t ayaw ng shop magbigay ng OR? Ito ba ay para maging mababa ang bayarin nilang buwis sa susunod na taon?
Tsk tsk tsk… dapat ngang habulin ngayon ng BIR o ng lokal na pamahalaan ng San Mateo.
Hindi lang ito ang reklamong ipinarating sa atin kundi mayroon pang isang tarantadong kontraktor sa Quezon City na ayaw magbigay ng OR sa kanyang customer. Palusot nila, hindi raw naman niya isinasama sa komputasyon ng proyekto kaya hindi daw siyang magbibigay ng OR.
Tama ba iyon BIR Commissioner Kim?
Abangan!