HINDI na raw matutuloy ang pelikula nina Kris Aquino at Mayor Bistek para saMetro Manila Film Festival. Palagay namin iyan ang tamang desisyon. Mahihirapan lang din sila dahil in a few more days baka mag-file na ng kanyang certificate of candidacy si Mayor Bistek, at kasunod niyon mangangampanya na siya. Paano pa niya matatapos ng maayos ang pelikula niya? Isa pa, masasakop na siya ng media ban, paano pa maipalalabas ang pelikula niya?
Noon sinasabi nila na aalisin na lang si Mayor Bistek at kukuha ng ibang leading man para kay Kris, pero ano ang magiging laban niyon sa mas malalaki pang pelikulang makakasabay nila sa festival? Mahirap makipagsabayan ngayon lalo na sa pelikula nina Vic Sotto at Aiai delas Alas, dahil suportado pa iyon ngAlDub, paano mo babanggain iyan?
Sa palagay namin sa lakas ng following iyang AlDub, mahirap mo nang banggain iyan sa takilya lalo na nga’t iyan ang una nilang pelikula. Kung gagawa ka man ng pelikula para sa festival, dapat iba na ang gawin mo, dahil kung sasabay ka at medyo love story at comedy din ang linya mo, mabuti pa nga kalimutan mo na lang.
Kaya kami naniniwala, wise talaga na umurong na lang sila.
HATAWAN – Ed de Leon