“LAHAT ng CD namin niyang ‘A Song of Praise’ ipinamimigay lang namin. Matagal na kaming tinatanong bakit daw hindi namin ibenta? Katunayan noong araw ay may isa pang record company na nag-aalok sa amin, kung gusto raw namin sila ang magbebenta, kasi nga komersiyal naman ang dating ng aming mga kanta, hindi naman kagaya niyong ibang Christian songs eh. Minsan nga hindi mo alam na isang Christian song pala ang pinakikinggan mo maliban na lang kung iintindihin mo talaga. Pero naniniwala kasi kami na dahil para sa Diyos kaya ginawa iyan, hindi iyan dapat ibinebenta,” sabi ni Kuya Daniel Razon na siyang bumuo ng concept niyang ASOP.
Sa loob ng apat na taon na, talagang sinisikap nilang mabigyan ng magandang medium ang Christian music, at mukhang ok naman ang ginagawa nila, dahil nakakahalo na iyon sa contemporary music natin.
“Kasi nga iyong mga kanta, ginawa para magustuhan ng henerasyon ngayon. Kung mababaling kasi ang pansin ng mga tao sa Christian music, malaking bagay na iyon. Iyon lang may makuha kang isa na sa halip na nakikinig sa kung ano-anong music eh makumbinsi mong makinig ng Christian music ay malaking bagay na iyon, at sa palagay ko naman hindi lang isa ang nakumbinsi namin sa loob ng apat na taon,” sabi naman ni Richard Reynoso na siyang host ng ASOP sa telebisyon sa loob ng nakaraang apat na taon.
“Maski na ako nagulat eh. Kasi noong simula hindi ko iniisip na tatagal kami ng ganito. Marami ng gumawa ng Christian music noong araw eh, hindi rin nakatagal. Sabi nila wala raw market, pero kami naman nakakukuha ng malakas na support mula sa iba’t ibang Christian groups. May isa pa nga akong kaibigan na nagsabing siya raw Katoliko, pero pinakikinggan niya ang music namin at pinanonood ang aming show, kasi maganda naman ang music eh at saka para naman sa iisang Diyos iyan eh. Isa lang naman ang Diyos natin eh, kaya walang problema, “ sabi pa ni Richard.
Ngayong Martes, Oktubre 13 na ang kanilang finals, at gaganapin iyan sa Araneta Coliseum. Siyempre iyong finals mapapanood din sa UNTV-37.
HATAWAN – Ed de Leon