NASA tamang panahon ang tinatahak na landas tungkol sa buhay-politika ni retired police captain Ricardo “Ding-Taruc” Santos sa ilalim ng Calixto Team 2016.
Sa kasalukuyan ay kasama sa final lineup ng Calixto Team 2016 ang pangalan ni Santos sa district 1 ng Pasay City para kandidatong konsehal.
Mas pinili ni Santos na mapasama sa lineup ng mga kandidatong konsehal kaysa ibang posisyon sa politika. Naniniwala kasi siya na sa nakalipas na 17 taon niyang pakikipaglaban sa larangan ng politika ay makakamit na niya ang panalo at tagumpay sa darating na May 2016 local elections. Iyan ay sa suporta ng kanyang mga botante.
Sa abot ng aking kaalaman, ang pinaglalabanan na lamang sa lungsod ng Pasay para sa May 2016 elections ay slot na vice mayor at mga konsehal.
Sa survey na isinagawa kamakailan ng isang independent group, nananatili pa rin ang lakas ng mag-utol na Antonino “TONY” Calixto at Emy Calixto-Rubiano sa larangan ng politika sa siyudad ng Pasay.
Si Tony ay incumbent city mayor sa Pasay, samantalang si Emi ay incumbent lone congresswoman sa lungsod. Wala pa silang katalo-talo simula nang pasukin nila ang buhay politika sa Pasay. Sa bilangan ng mga boto lagi silang nasa top of the line sa panahon ng halalan. Meaning winning candidates.
Next week, pormal nang magtutungo sa tanggapan ng Commission on Elections sa Pasay City ang solid group ng Calixto Team 2016 na pangungunahan ni Mayor Calixto para sabay-sabay silang magpa-file ng kanilang certificates of candidacy (COC) at certificate of nominations.
Chopsuey ang opposition sa Pasay?
KUNG susuriin maihahambing sa chopsuey ang partidong kinaaaniban ng mga opposition candidates sa Pasay City, ang United Nationalist Alliance (UNA).
Si Allan Panaligan ay galing sa Partido ng Masang Pilipino (PMP).
Kung hindi ako nagkakamali, ang kasangga ni Panaligan na si Bong Tolentino na dating PMP ay nanumpa noon sa Liberal Party (LP) para mahalal na opisyales ng Councilors League of the Philippines.
Naku po!!! Dahil sa rainbow coalition, sino naman ang kanilang dadalhing presidente para sa 2016 presidential elections???
Anyway, sa district 2 ng Pasay ay si Noel “Onie” Bayona ang katapat ni Panaligan sa darating na halalan.
Pahaging lang!!! Umaksyon ang Mayor sa Angeles City, Pampanga
NABALITAAN natin na ipinasara na ng alkalde ng Angeles City, Pampanga, ang sugalan na dropballs at color games na inihalo sa peryahan carnival na nasa Marquee Mall.
Kung totoong tuluyan nang ipinasara ng alkalde ang gambling den sa carnival na pinoptorektahan ni Nardo, alias “Fake Putik,” God bless kay mayor. Sana ay hindi na mabuksan ang crooked gambling na nasa Marquee Mall.
Nang nakaraang linggo ay ibinulgar natin sa column na ito na may sampung mesa ng dropballs at dalawang mesa ng colorgames ang inilatag nina Nardo sa nasabing perya de carnaval.
Naitanong din natin kung paano nabigyan ng barangay permit at mayor’s permit ang isang carnival na nilatagan ng mga sugal lupa.
Pampanga provincial director Senior Supt. Recomono, ang illegal gambing ay kasama sa 1602. Nagkalat sa iba’t ibang bayan, barangay sa lalawigan ng Pampanga ang mga peryahan na may mga sugalan.
Sa Limay, Bataan at sa Orani, Bataan, ang sugal na dropball at color games ay kontrolado nina Edi-son at Frank. Walang kinatatakutan si Frank dahil ang sugalan niya ay inilatag pa niya sa harapan ng public elementary school.
Caviteño si PNP Chief Ricardo Marquez
HINDI na raw mabilang ngayon ang mga nakalatag na perya na may halong sugalan sa iba’t ibang lugar sa lalawigan ng Laguna, Batangas at Cavite.
Ang Big Four na perya de capitalista ang nakaaalam. Kahit ipagtanong pa kina Roa, Boy life, Baby P.
Sa Lecheria, Calamba City, Laguna, naiporma na nina Ome at Aling Baby P., ang kanilang sugalan na ang front ay peryahan kuno. Walang pagkakaiba sa Jolibee sa General Mariano Alvarez (GMA) Cavite na si Aling Baby P., rin ang capi-talista ng perya puesto pijo sugalan. Sina Jason at Boknoy ang lookout-booker-protector.
Sa palengke ng Taal, Batangas, may mga nagtatanong. Paano daw nabigyan ng barangay at mayor’s permit ang isang peryahan na may kasamang sugalan? Malakas ba si Tita sa mga local officials?