5 vice presidentiables at 3 presidentiables
Joey Venancio
October 7, 2015
Opinion
TATLONG presidentiables at limang vice presidentiables na ang nagdeklara para sa 2016 national elections.
Sa pagka-presidente: Vice President Jojo Binay, ex-DILG Secretary Mar Roxas at Senadora Grace Poe.
Sa pagka-bise presidente: Senador Antonio Trillanes, Senador Alan Peter Cayetano, Senador Bongbong Marcos, Senador Chiz Escudero at Congresswoman Leni Robredo. Sila ay parehong mahuhusay at malalakas.
Sina Trillanes, Escudero at Robredo ay pawang Bicolano. Si Cayetano ay Bicolano rin ang misis, si Taguig City Mayor Lani.
Si Marcos naman ay Ilocano na kilala sa “solid north” pagdating ng halalan.
Sa ngayon, ang deklaradong tandem ay Roxas-Robredo at Poe-Escudero.
Pero si Poe ay bale dalawa ang bise presidente. Ang isa ay si Trillanes.
Oo, Poe-Trillanes ang idineklarang susuportahan ng Magdalo Group ni Trillanes, isa sa mga opisyal ng nagrebeldeng grupo ng mga batang opisyal ng AFP noong panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo.
Sina Cayetano at Marcos ay wala pang presidente. Inaabangan nilang magdeklara si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na nasa top 4 sa presidentiable surveys.
Si Binay ay wala pang bise presidente. Pero sinasabing 100% nang si Senador Gringo Honasan ang magiging running mate niya.
Si Gringo, kilalang bata ni Senador Juan Ponce Enrile, ay isa ring Bicolano.
Kaya tiyak sabog ang magiging boto ngayon ng mga Bicolano.
Pero ayon kay Albay Governor Joey Salceda, sa mga Bikolanong vice presidentiables, landslide dito si Robredo. Ibig sabihin sa ibang rehiyon na lang makakukuha ng boto ang mga Bikolanong katunggali ni Leni. Tsk tsk tsk…
Coop Sa Manila City Jail
Inirereklamo ng mga bilanggo sa Manila City Jail ang kanilang kooperatiba o Coop.
Ano raw ba ang purpose ng pagkakaroon ng isang Coop sa MCJ na ang mga miyembro ay mga bilanggo rin? Hindi ba ito’y upang makatulong sa mga kawpa nila preso kapag nasa mahigpit na pangangailangan o emergency?
Pero malupit daw ang namamahala sa kanilang Coop. Ang mahal ng mga bilihin at malaki magpatubo. Hindi rin pinapayagan sa kanilang mga dalaw ang magdala ng pagkain sa loob. Kailangan sa loob lang din bibili. E ang mahal daw ng presyo ng bilihin sa loob, hindi kaya ng mahihirap na preso na sa kanilang dalaw lang din umaasa sa pinansiyal.
Kung totoo ang reklamo sa atin ng inmates, hindi matatawag ‘yan na Coop dahil “holdap” ang kanilang presyo. Right?
Dapat siguro itong pakialaman ng Warden diyan sa MCJ.
Hilaw pa si Leni para maging Bise Presidente
– Good day po. Hilaw na hilaw pa si Leni Robredo para tumakbo siya bilang Bise Presidente. Ang isang termino mo bilang Congresswoman ay hindi pa sapat at kulang sa karanasan. Mag-senador ka muna bago ka mag-Bise Presidente. Mag-give way sa mas malawak na karanasan sa track records sa public service. Magpahinog ka muna Congw. Robredo bago tumakbo sa mas mataas na na posisyon. – Ben Latigo ng Bulacan, 09323007…
Well, kung hilaw pa si Leni Robredo para mag-Bise Presidente, mas hilaw si Grace Poe para mag-Presidente. At least si Robredo ay isang abogada at kandidato pang maging RTC Judge sa Bicol nang hatakin siya sa politika nang masawi ang kanyang mister (DILG Sec. Jesse Robredo) sa isang plane crush. Ano kaya kung ang dalawang hilaw na ito sa politika ang manalo sa 2016? Puwede!
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015