ISA ang ‘bunga’ ni Cong. Atienza, hinog na
Almar Danguilan
October 6, 2015
Opinion
MAY katotohanan nga ba ang kasabihang… “kung ano ang puno ganoon din ang bunga?”
Siyempre naman, alangan naman magbubunga ng bayabas ang puno ng santol. Hehehe…hindi na natin kailangan pang ipaliwanag ito nang husto—‘ika nga self explanatory na ‘yan.
Kung baga naman kay Buhay Party-list Congressman Lito Atienza, ano man ang mangyari, magkabaligtad-baligtad man ang mundo, siya’y magbubunga pa rin ng isang magaling at matinong lider na tulad niya.
Mga patunay dito ang kanyang mga supling na sina Manila Councilor/s Ali Atienza at Kim Atienza. Tulad ng kanilang pinanggalingang puno, wala rin masasabi ang mga taga-Maynila sa paglilingkod ng dalawa sa kanila. Prayoridad nila ang mamamayan.
Kaya heto, isa sa bunga ni Cong. Atienza ay nais nang sungkitin ng Manileños para paglingkuran din sila. Naniniwala silang malaki ang magagawa ng nasabing bunga para sa mamamayan ng Maynila tulad ng kanyang tatay at mga kapatid.
Nais ng mamamayan ng Maynila na pumalaot na si Maile Atienza, anak ni Cong. Atienza, sa paglilingkod sa mamamayan ng Maynila. Siyempre, isa sa paraan para magawa nito ni Maile ay dapat nang pumasok sa buhay politika – sa pamamagitan nito lalo niyang maaabot ang mamamayan at lalo niyang malalaman kung ano ang mga pangangailangan ng bawat indibiduwal.
Si Maile ay masasabing hindi na rin bago sa paglilingkod, batid na rin niya ang mga gagawin niya. Ito ay dahil simula noong (teenager) pa siya, kasa-kasama na siya ng kanyang amang si Lito Atienza sa mga programa at proyekto para sa mamamayan.
Kumbaga, bihasa na si Maile sa pakikisama at pakikihalubilo sa mamamayan kaya nga ramdam na niya ang mga pangangailangan ng mamamayan.
Sa kababaihan na lamang, halos araw-araw ay kahalubilo niya dahil sa kanyang mga programang livelihood, feeding program at marami pang iba. Ikinatutuwa naman ito ng kababaihan, dahil mayroon silang nasasandalan upang matuto kung paano kumita at makatulong sa kanilang pamilya.
Maging ang mga lola at lolo ay malapit din kay Maile dahil sa kanyang pagiging magiliw sa kanila na hindi naman daw nakapagtataka dahil ang pamilya ni Maile ay masasabing magandang ehemplo – laging solido ang kanilang bonding, pagmamahalan, at respeto sa bawat isa.
Si Maile ay residente ng 3rd District ng Maynila, kaya marami sa mga lider at mamamayan ang nais na pumasok na siya sa politika. Hinihikayat siyang tumakbo bilang Konsehal ng 3rd District.
Bukod sa maamo, soft spoken, malambing at mapagbigay, si Maile ay dentist by profession, at isang matagumpay na businesswoman.
Sabi nga ng mga taga-3rd District, gusto raw nila si Maile upang maging boses nila sa City Council para sa magagandang programa at proyekto sa kanilang distrito. Parang nakakaligtaan na daw kasi ang 3rdDistrict sa mga programa ng lungsod Maynila kaya kailangan nila si Maile para muling buhayin ang sigla at productive program sa kanilang lugar.
Maituturing na business district din ang 3rd District dahil nasasakupan nito ang Binondo at Chinatown na siyang sentro ng pangangalakal sa lungsod Maynila.
At iyon na nga, si Maile ang isa sa pinaniniwalaan ng mga taga- 3rd District na bubuhay sa programa para sa nasabing distrito.