Marcos-Duterte o Duterte-Marcos?
Joey Venancio
October 4, 2015
Opinion
PERFECT tandem ito kapag nagkataon…
Oo, sinadya ni Senador Bongbong Marcos si Davao City Mayor Rodrigo “Digong” Duterte para hikayatin mag-tandem sila para sa darating na 2016 elections.
Hindi lang malinaw kung bise ba o presidente ang alok ni Marcos kay Duterte.
Nauna nang sinabi ng batang Macos na tatakbo siya sa mataas na posisyon sa darating na halalan.
Si Bongbong ay mababa ang rating sa mga survey. Sa latest survey ng SWS at Pulse Asia ay nasa 5% lang siya, habang si Digong ay double digit, pang-apat sa likod ng mga nangungunang sina Senador Grace Poe, pambato ni PNoy na si Mar Roxas at Vice President Jojo Binay.
Hindi lang naman si Bongbong ang nanliligaw kay Digong.
Kamakailan lang din ay sinadya rin ni Senador Alan Peter Cayetano si Digong.
Hinihikayat daw ni Alan si Digong na tumakbong presidente at siya ang bise.
Pero matigas pa rin si Digong. Magreretiro na raw siya sa politika. Tatapusin na lang daw niya ang kanyang termino as mayor ng Davao City. Gusto niya raw na mag-alaga na lang siya ng kanyang mga apo.
Pero sa kabila ng mga pahayag na ito ni Digong, panay pa rin naman ang kanyang pag-iikot at pagtatalumpati na tila nangangampanya na.
Anyway, malalaman natin hanggang next week kung ano ba talaga ang desisyon ni Digong para sa 2016.
Abangan!
‘NPA ang nasa likod ng pagpatay sa mga Lumad’
– Sir, sa nabasa ko sa Face Book at sa aking pag-analisa, tunay na ang may kagagawan sa mga nangyayaring patayan sa pamayanan ng Lumad ay mismong mga New People’s Army (NPA). Na ang mga tagapagtanggol ng NPA ay ang mga ilang Human Rights Groups, activists, journalists and pundits. Na ang mga grupong ito ay kaagad na itinuturo ang mga sundalo kapag may namatay na Lumad. Pero ang mismong pinuno ng Lumad na si Martin Acevedo ang nagsasabi na ang lahat na may kagagawan ng karahasan ay ang mga NPA.
Ayon pa kay Acevedo, kinikikilan sila ng NPA ng sampung piso sa bawat miyembro ng pamilya. Kapag hindi nakapagbigay ang pamilya ay katumbas ito ng kanilang buhay. Hinuhuli at agad na pinapatay sa kabundukan. Walang makakapagturo kung saan sila inilibing. Noong 1992, dalawang kapatid at ang kanyang ama ang pinaslang ng NPA. Dagdag pa ng kanyang nakakabatang kapatid na si Jesse Acevedo, walang ibinibigay na maganda ang NPA sa kanila kundi pasakit at kahirapan. Noong Enero 2014, sinunog ng NPA ang kanilang rubber plantation at mga kagamitan sa pangkabuhayan.
Ayon sa kanilang mga salaysay, talagang maiisip natin na kawawa ang mga kalagayan ng mga Lumad sa kabundukan kapag pinabayaan ng ating pamahalaan. Dapat talagang makarating sa kabundukan ang ayuda ng gobyerno. Papaano natin sila matutulungan? I-develop ang kanilang pamayanan. Ibigay sa kanila ang suporta at mga basic needs tulad ng health center, school building, pag-aayos ng kanilang mga kalsada at pagbigay ng seedlings ng mga iba’t ibang uri ng tanim, pag-aalaga ng mga hayop at iba pa na makakatulong na mapaginhawa ang kanilang pamumuhay. Magtalaga ng kapulisan, kasundaluhan, mga manggagamot at guro sa kanilang pamayanan. Kapag nagkaroon na ng development sa lugar ng Lumad mawawala na ang NPA. – EMMA LUZ A. ALMAZEDA
Panawagan sa Manila Traffic and Parking Bureau
– Sir Joey, paki-kalampag naman ang traffic officers ni Mayor Erap. Yung kalye po ng Antipolo st. palabas ng Juan Luna at Balut ginawa na pong parking lot ang mga gilid ng kalsada, na nagdudulot ng nakayayamot na trapik. Pati po yung mga tricycle driver na mga siga paki-suri narin po kung may lisensiya ang mga ito. Sana mabigyan ng pansin ito ni Mayor. Salamart po. – Concerned citizen
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015