SINIGURADO ng bagong komisyuner ng Philippine Basketball Association (PBA) na si Andres “Chito” Narvasa, Jr. na magiging mas maganda ang mga laro dulot ng mga pagbabago sa mga tawag ng mga reperi sa pagbubukas ng ika-41 na season nito sa Oktubre 18.
Bumisita si Narvasa sa ensayo ng lahat ng mga 12 na koponan ng PBA kung saan kinausap niya ang mga coaches at manlalaro tungkol sa mga pagbabago sa officiating na gagamitin sa pagsisimula ng Philippine Cup.
Sa ilalim ni Narvasa, matatawagan ng foul ng mga reperi ang mga manlalarong mahuhuling humahawak ng jersey at mga shorts ng kalaban, pati na rin ang wrestling sa court.
Bibigyan din ng rating sheets ang mga reperi para ma-assess nila ang ginagawa nila sa court at kung paano puwedeng mapabuti ang kanilang trabaho.
At simula sa Philippine Cup, apat na reperi ang gagamitin bawat laro kung saan ang ika-apat na reperi ay magiging kapalit sa isa niyang kasamahan na pagod o hindi gumagawa ng mga mabubuting tawag. (James Ty III)