HINDI lang top rater ngayon ang Eat Bulaga, lumalabas na sila pa ay isang world record holder dahil sa AlDub. May certification sila ng Guinness Book of World Records, na kinikilalang authority sa mga bagay na iyan dahil wala namang gumagawa ng mga record sa lahat ng bagay sa buong mundo kundi sila, na ang Eat Bulaga at Aldub ay nakapagrehistro ng pinakamalaking bilang ng Twitter posts sa loob ng 24 oras, at iyan ay 25.6 million tweets. Tinalo na nila ang isang US Soccer event na nakakuha naman ng 25.1 million tweets.
Sinasabi ng iba na bale wala naman daw iyan kung ilan ang tweets. May sinasabi pang “hindi naman organic” ang tweets na iyan. Hindi namin alam kung ano ang ibig sabihin niyon. Alam namin may mga organic na gulay, bigas, at maging itlog. Hindi namin alam kung ano iyong organic tweets. Pero kung ganyang binigyan iyan ng certification ng Guinnes Book, matindi iyan. Isasali nila iyan sa kanilang libro, maliban na lang kung may mas tataas pa riyan sa taong ito. Taon-taon kasi ay may updated edition ang Guinness Book of World Records.
Ang mas impressive pang nakita namin, natural lang ang comedy ng Aldub. Ni hindi sila gumastos ng malaki sa kanilang venue. Nag-comedy lang sila sa mansion ni Dona Sisang, iyong may-ari rati ng LVN Pictures na madalas din namang pagsyutingan ng mga pelikula. Wala rin silang idinagdag na mga artistang guest, pati nga iyong role niyong mayordoma si Wally Bayola lang pala. Kaya nga kung iisipin mo si Wally ang may pinakamalaking papel diyan, isipin ninyo iyong apat ang role niya, at ang napataob nila ay apat na love team.
Talaga lang sigurong uso nga iyang Aldub, at sa tingin namin mahihirapang banggain iyan sa ngayon ng kahit na sino. Matatalo ka lang kung lalabanan mo. Mas maganda kung hayaan mo na lang hanggang sa mabawasan o lumipas ang popularidad at saka ka na magsimula ng sarili mong gimmick. Pero sa ngayon lalabanan mo iyang Aldub, parang suicide lang ang gagawin mo.
HATAWAN – Ed de Leon