Media bawal nang pumarada sa Kampo Karingal?
Almar Danguilan
September 29, 2015
Opinion
NABILI na nga ba ng Quezon City Police District Riders Club ang Kampo Karingal?
Katunayan, ang Kampo Karingal o ang kinatatayuan nito ay hindi pag-aari ng QCPD o ng City Government at sa halip, pag-aari ito ng University of the Philippines (kung hindi ako nagkakamali) pero may nakapagsabi na naayos na raw ang lahat hinggil sa lupain.
Ano pa man, nabili na nga ba ng mga opisyal at miyembro ng QCPD Riders Club ang Kampo Karingal? Naitanong natin ito dahil, ipinagbabawal nilang pumarada sa Kampo Karingal lalo na sa lugar kung saan matatagpuan ang kiosk ng grupo o tambayan ng mga miyembro ng grupo.
Wala akong nakikitang masama sa grupo o pagtatatag ng grupo kaysa nga naman magkalat ang mga miyembro ng grupo – magkalat sa pambabae, e di motorsiklo na lang ang atupagin nila.
Lamang, may palso yatang nangyayari sa Kampo. Natuklasan natin ito sa kaangasan ng nagpakilalang caretaker ng grupo.
Nitong nakaraang linggo, sina Jun Mestica, at Jan Sinocruz kapwa opisyal ng Quezon City Police District Press Corps (QCPDPC) ay nagpunta sa Kampo sakay ng isang motorsiklo. Pipitsuging motor kung ikompara sa mga big bike ng mga miyembro ng pulis at ng riders.
Hayun, nakaranas ang dalawa ng kagaspangan ng pag-uugali ng ‘caretaker’ ng QCPD riders Club.
Sa kuwento ng dalawa, habang ipinaparada nila ang kanilang motorsiklo sa malapit sa kiosk ng QCPD riders club (wala naman nakalagay na karatulang bawal ang humimpil sa lugar) bukod sa nakita naman nilang hindi sagabal ang pansamantalang pagparada nila, nilapitan sila ng nagpapakilalang caretaker daw ng grupo.
Maayos naman daw na sinabi ng cartaker na bawal pumarada sa lugar (utos daw ito ng kanyang amo). Nakiusap ang dalawa na sandali lang daw sila pero, biglang naging magaspang ang ugali ng caretaker.
Pinagbabawalan silang pumarada sa lugar dahil hindi raw sila miyembro ng club.
In short, nauwi ito sa mainitang pagtatalo hanggang tanungin nina Jan at Jun kung sino ang nagpapabawal.
Nagtaka kasi ang dalawa kung bakit bawal samantalang masasabing public place ang kampo bukod sa wala namang karatulang nakalagay na ipinagbabawal nga.
Sa pagtatalo, pumasok sa opisina ng QCPD ang maangas na caretaker at tila tumawag ng back-up. Pagkabalik, heto ang mga sinabi ng ‘tadong caretaker… “ANO RAW PANGALAN NINYO… IPINATATANONG NI QCPD DISTRICT GENERAL EDGARDO TINIO.”
Ang tibay, ginamit pa ng gunggong ang pa-ngalan ni Gen. Tinio.
Malamang, may nag-utos sa kanya na gamitin ang pangalan ni Gen. Tinio dahil wala naman naibababang direktiba si DD na bawal ang pumarada sa harapan ng opisina ng DAID, DPIOU o ang isini-ngit na kiosk ng riders.
Samakatuwid, ibinigay nina Jun at Jan ang kanilang pangalan at muling bumalik ang careta-ker sa loob ng QCPD headquarters building.
Ilang saglit pa, muling bumaba ang caretaker kasama na ang kanyang amo na kinilalang si P/Supt. Rodrigo Bauto, hepe ng District Investigation Division na siya rin umanong namumumuno ngayon sa naturang riders club.
Sa pagbaba ni Bauto kasama ang kanyang aso papunta sa tambayan ng QCPD riders ay patingin-tingin lamang daw ang opisyal kina Jan at Jun at tila kinikilala ang mukha ng dalawa.
Hayun lumabas din ang katotohanan. Malamang na hindi si Gen. Tinio ang nagpakuha ng pangalan ng dalawa at malamang na hindi rin dahil kay DD kaya magasapang ang ugali ng caretaker kundi malamang dahil sa kanyang mga amo sa club.
Pero nabili na ba ng riders club ang Kampo karingal at ganoon na lamang sila kung magpalabas ng direktiba? E ba’t ang mga miyembro ninyong mga taga-labas (hindi pulis pero mayayabang nga lang) ay hindi ninyo pinagbabawalan? Kasi makukuwarta nga e?!
Gen. Tinio, dapat sigurong bigyan ninyo ng aksyon ang nasabing caretaker, ginagamit ang pangalan mo. Kung mismong sa kampo ay astang gago sa paggamit ng iyong pangalan, malamang kakaiba rin ang ugali nito sa labas ng Kampo.
Itapon nang palabas ang ‘asong’ alaga ng riders. Sinisira niya ang pangalan mo, General.