Problema ng mga Nurse na na-recruit ng Elbeitam Management Services
Joey Venancio
September 25, 2015
Opinion
NAG-PRIVATE message sa akin ang isa sa maraming nurse na recruit ng Elbeitan Management Services Inc. na may tanggapan sa 1836 Leon Guinto St., Hala building sa Malate, Manila.
Narito ang sumbong sa akin ng babaeng nurse na si Jenny:
– May problema po ako/kami rito. Hindi po talaga okey dito. Yung employer namin hindi sinunod yung kontrata ng POEA. Kaya nagsumbong kami sa consulate dito. Tapos ang bagal ng action ng consulate. Nagsumbong kami sa governor dito sa Saudi. Nababagalan rin kami ng action. Hina-harass na kami ng employer. Kanina may mga kasamahan ako na tinutukan ng baril. 23 kami rito na lumalaban.
Yung agency na nagpadala sa amin dito na Elbeitam ay napasama na illegal recruiter dahil sa pagsumbong namin.
Ang employer mamin dito ay Palestinian. Masama ang ugali. Pati yung nag-recruit sa amin na Pinay na kasama namin dito masama rin ang ugali. Polyclinic yung pinagtatrabahuan namin.
Ayaw namin na may mangyari pa sa mga susunod na araw. Gusto namin umuwi lahat at file yung case. Kaya lang ang bagal nila. May tumutulong dito sa amin. Kaya lang nag-aantay lang rin. Baka po may kilala kayo na tutulong sa amion na mapauwi kami agad agad.
Yung company dito Al Samria Polyclinic na ang address ay Al Naseem District-Ali Al Murtada St., Jeddah, KSA.
Ang ginawa kasi ng employer namin dito ay gumawa sila ng internal contract which is ba-wal pala yun. Tapos hindi nila sinunod yung sahod 2625 SR dapat sahod namin 1800+200 lang binibigay, tapos oras ng work 10hrs na dapat 8hrs lang as per POEA contract. Tapos yung deduction hindi lang 1 month salary gaya ng sabi nila sa Pinas. Pagdating dito marami na pala deductions. Bale nasa P19K lang sahod namin dito na dapat ay P31K plus yun. Tapos yun contract namin na dapat 2 yrs lang ginawa nilang 3 yrs with 2 months extension pa!
Tutal mag-e-eleksyon naman dyan sa Pinas, sana matulungan nyo kami mapauwi dyan at dyan na kami boboto.
Gusto namin kasuhan yung nag-recruit sa amin dyan na sina Cathy at Lani pag-uwi namin dyan.
Pls, tulungan nyo kami. – Jenny, Al Samria Polyclinic in Al Naseem Diastrict-Ali Al Murtada St., Jeddah, KSA.
Ang dapat unang kumilos dito ay ang recruitment agency dito sa Pilipinas na Elbeitam Management Services. Dapat nilang kausapin ang agency sa Saudi na kanilang pinadalhan ng naturang mga nurse. Kinontak natin ang Elbeitam Management Services sa Malate, Manila pero walang sumasagot. Hangad natin ang kanilang paliwanag sa sumbong na ito ng mga ni-recruit nilang nurses.
Solusyon sa “Carmageddon” at Port Congestion
Magsilbi sanang hudyat sa gobyerno ang nangyaring “carmageddon” o ang matinding pagsikip sa daloy ng trapiko, na pumaralisa sa buong Kamaynilaan noong Setyembre 8, upang kumilos at solusyonan na ang lumalalang problema sa transportasiyon dulot ng kakulangan natin sa inprastraktura sa kalsada.
Ang masama nito’y inamin kamakailan ni MMDA chairman Francis Tolentino na siya rin daw mismo ay isa sa mga hindi mabilang na nabiktima ng apat hanggang anim na oras na traffic jam dahil sa matinding pagbaha noong Martes ng gabi, na lalala pa ang sitwayson ng trapiko sa mga susunod na buwan at taon.
Dahil daw ito sa mga naging aberya sa dalawang big-ticket projects—ang NAIA Expressway at Skyway Stage 3—at ang pagkaantala sa pagsisimula ng konstruksiyon ng LRT-2 East Extension Project patungong Antipolo City.
Pero hindi dito nagtatapos ang listahan ng mga naantalang road projects na makatutulong sanang ibsan ang lumalalang sitwayson ng trapiko dahil pati ang pagpapagawa ng NLEX Harbor Link Project patungong MacArthur Highway sa Bulacan, NLEX Extension Project patungong Commonwealth Avenue sa Quezon City at CAVITEX Extension Project patungong C-5 ay hindi parin nasisimulan dahil sa ibat-ibang aberya dulot ng pamahalaan.
Ang kapalpakan ng pamahalaan sa kabiguang makapagbigay ng right-of-way (ROW) sa mga contractor, gaya sa kaso ng mga proyekto ng NLEX, at ang hindi pag-iisyu ng Toll Regulatory Board (TRB) ng Notice to Proceed sa operator ng CAVITEX ang ilan sa mga kadahilanan kung bakit nakatengga parin ang mga nasabing proyekto.
Maging ang Muntinlupa-Cavite Expressway (MCX), na sa ngayon ay ang nag-iisang Public Private Partnership (PPP) project na nakumpleto sa ilalim ng administrasyong Aquino, ay naantala ng isang taon dahil sa problema sa ROW at pagpapalit ng disenyo.
Ang mga pag-antalang ito, na perwisyo lang ang dulot sa mga motorista at komyuter, ay palalalain pa sa desisyon ng Special Traffic Committee (STC) ng Metro Manila Commission (MMC) na ipatupad muli ang truck ban sa EDSA at sa Central Business Districts (CBDs) ng Ortigas Center, Makati City at Bonifacio Global City (BGC).
Palalalain nito hindi lang ang sitwasyon ng trapiko kundi pati narin ng nagbabadyang port congestion o ang pagsikip ng pantalan sa Maynila dahil sa Resolution No. 3 ng MMC-STC, na nagbabawal dumaan ang mga trak at iba pang malalaking sasakyan sa mga pangunahing kalsada at CBDs na ito mula 6-10 AM at 3-9 PM araw-araw maliban nalang pag Linggo o holiday, at maliban nalang kung perisable o produktong pangagrikultura ang kargong bitbit nito.
Obligasyon ni P-Noy sa kanyang mga boss at sa ating ekonomiya na ibsan ang lumalalang problema sa trapiko at port congestion. Pero siyam na buwan nalang si PNoy sa Malakanyang. Sakit ng ulo ito ng sunod na Presidente. Tsk tsk tsk…
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015