P2.2M shabu sa QCPD raid… “Shabu” Queen timbog!
Almar Danguilan
September 24, 2015
Opinion
TAMA ka riyan Chief Supt. Edgardo G. Tinio, Quezon City Police District (QCPD) Director.
Yes sir, daang libo o masasabing milyong kabataan na naman ang naisalba ng QCPD sa pamamagitan ng District Anti-Illegal Drugs, Special Operation Task Group (DAID,SOTG), sa tiyak na kapamahakan makaraang makakompiska ang inyong mga pulis ng P2.2 milyong halaga ng shabu nitong Lunes, Setyembre 22, 2015.
Iyan na nga ba ang sinasabi natin o ng marami, huwag na ninyong subukan ang QCPD – lalo na kayong masasamang elemento. Hinding-hindi kayo magtatagumpay sa inyong kasamaan. ‘Ika nga ni Gen. Tinio… “Gagawin niya o ng QCPD ang lahat para sa kapakanan ng mamamayan ng lungsod.”
Tama ka uli diyan sir.
Ano pa man, muling pinatunayan ni Chief Insp. Enrico E. Figuero, DAID,SOTF, na hindi uubra ang tulakan ng droga sa lungsod. Gagawin at gagawin ni Fiegueroa ang lahat, sampu ng kanyang mga opisyal at operatiba na masawata ang pagbagsak ng shabu at iba pang tulad nito, sa lungsod.
Siyempre, ang lahat nang hakbangin ng DAID ay batay na rin sa direktiba ni Gen. Tinio na kung maaari ay tuluyang masugpo ang tulakan ng droga sa QC. Kayang-kaya niyo ‘yan sir, lalo na’t hindi rin kayo nagkamali sa pagpili kung sino ang mamuno sa DAID.
Kaya malamang, sa susunod na taob ay iuuwi na naman ng QCPD ang korona “best district”…at iyan naman ay dahil sa hindi matatawarang leadership ni Gen. Tinio.
Heto nga e, hindi pa man umiinit nang husto sa kanyang kinauupuan si Tinio bilang direktor at ni Maj. Figueroa bilang hepe ng DAID, aba’y malakihang huli na ang kanilang nagawa kaugnay sa kampanya laban sa ilegal na drogang gaya ng shabu.
Nitong Lunes, sa isinagawang buy-bust operation ng tropa ni Maj. Figueroa, hindi lang pipitsuging tulak ang nakalaboso kundi isang kilalang “shabu queen”… at pinuno pa ng “Amalie Drug Group” na responsable sa pagkakalat ng droga sa QC.
Bumagsak sa operasyon ng DAID ang shabu queen na si Merlita Samson alyas “Merly” nang bentahan niya ng 1.2 kilong high grade shabu ang pulis na nagpanggap na buyer. P2.2 milyon ang street value ng nasabing shabu.
Paano kaya kung nakalusot ang shabu na ito? Hindi lingid sa ating kaalaman na karamihan sa mga nangyaring karumaldumal na krimen ay sanhi ng shabu.
Kaya, mabuti na lamang at nandiyan ang DAID sa direktang superbisyon ni Gen, Tinio.
Ops, huwag naman natin kalimutan ang tropang DAID na tumulong sa pagkaaresto ni Samson. Ito ay sina Insp. Dennis Francisco, SPO2 Sandino Rodriguez, SPO1s Joselito Gagaza at Rowell Hamor, POs3 Antonio Salamanque, Noel Balleras, Christopher Aquino at Joneel Torrefiel.
Ang gagaling ninyo diyan sa DAID. May itinatago ka pala Maj. Figueroa.
Gen. Tinio, hindi nga kayo nagkamali kay Figueroa. Maasahan ang mama.
Kamakailan, dalawang drug pusher ang tumba sa DAID nang manlaban. Ang operasyon ay pinangunahan mismo ni hepe, kasama sina Sr. Insp. Ramon Castillo, Sr. Insp. Don-Don Llapitan, Insp. Manuel LLaderas at Insp. Francisco.
Sa buy bust operation, Setyembre 14, 2015, laban sa Samuel Drug Group. Nanlaban ang dalawang tulak makaraang maamoy nilang buy bust ang ikinasa sa kanila. Nang mahalata nilang pulis ang nagpanggap na buyer na si PO1 Lorenz Balisi, hayun, tinangka nilang tumakas at pinaputukan ang tropa ni Figueroa kaya, no choice ang mga pulis kundi ipagtanggol ang kanilang sarili.
Muli, sa ‘yo Gen. Tinio, Maj. Figueroa, sampu ng mga taga-DAID… ‘ika nga, bring home the gold for the “2015 best police district.”
Kayang-kaya n’yo ‘yan Gen. Tinio.