Nangako na nga… gusto ninyo’y tuparin pa?
Almar Danguilan
September 22, 2015
Opinion
NAG-INGAY, nagmartsa at nagsagawa pa ng market holiday nitong nakaraang linggo ang mga manininda sa mga pampublikong palengke sa Maynila bilang protesta sa planong pagsasapribado ng pamahalaang lungsod sa mga palengke.
Sa ginawang protesta, maraming mamimili ang naapektohan kaya si Mayor Erap Estrada ay nakipag-usap sa samahan ng mga manininda ngunit duda pa rin sila sa plano ng pamahalaang lungsod kahit na mangilan beses na nilang pinabulaanan na hindi isasapribado ang mga pelengke.
Nanghihina na nga ang kalooban ng mga manininda na lumaban ngunit mabuti na lamang at nandiyan daw si Manila City Councilor Ali Atienza na nagbibigay lakas ng loob sa kanila para ipaglaban ang kanilang karapatan.
Si Ali, tulad ng mga tinutulungan niya ay hindi rin pumapayag sa plano ng pamahalaan na gawing private market ang mga palengkeng pinatatakbo ng lokal na pamahalaan.
‘Ika nga ng Konsehal, kung kinakailangan siya’y makulong sa pakikipaglaban para sa mga maralitang manininda, nakahanda niyang harapin ito para sa kapakanan ng Manilenyo.
Dahil sa gusot, nangako si Erap na walang madi-displace na manininda, at tiniyak niya na ang city government ang mamamahala sa palengke mula sa dating nakasaad na three (3) governing body mula sa 2 sa private at isa sa government.
Sabi pa raw ni Erap, gagawing 3 na mula sa government at isa na lamang sa private ang itatalagang governing body sa mga palengke.
Habang ang rate increase ng renta ay ipinangako rin ni Erap na hindi itataas sa mga susunod na taon, at ibibigay sa mga manininda ang buong ground floor at basement ng gagawing palengke.
Pangako ni Erap, habang isinasagawa ang konstruksiyon, hindi pagbabayarin ang mga vendor sa kanilang kinalalagyang mga puwesto.
Ang mga palengke ng Maynila ay public service, hindi dapat ibinibigay sa kahit na sino pa mang pribadong kompanya.
Kung gustong linisin, ayusin, at pagandahin ay okey ‘yun, pero ang ipamahala sa pribadong kompanya hindi na ubra iyon.
Kaya mismong si Atienza ay tutol dito at nakikipaglaban sa City Council upang ipaglaban ang karapatan ng manininda.
Sabihin man ng kapwa konsehal ni Ali at ilang pinuno ng lungsod na namomolitika lang si Ali. Paulit-ulit namang sinasabi ng Konsehal na kanyang ipagtatanggol ang karapatan ng mga kababayan niya sa Maynila.
Anang Konsehal, base sa batas, invalid at unconstitutional daw ang ginawa ng City Council dahil napakaraming loopholes o butas upang patunayan na hindi karapatdapat na ipatupad ang nasabing Resolution ng Konseho tungkol sa mga palengke sa Maynila.
Si Atienza bilang Councilor ang siyang nagpakita ng lakas ng loob upang tutulan at ipagtanggol ang mga vendor laban sa galaw ng City Council at ng pamunuan ng Lungsod ng Maynila sa pagsasapribado ng mga palengke na kinabibilangan ng Quinta Market, San Andres Market, Sta. Ana Market sa Santa. Ana, Sampaloc Market, Trabajo Market sa Sampaloc, New Antipolo Market sa Sta.Cruz, at Pritil Market sa Tondo, Maynila.
At dahil sa ginawang market holiday, maraming ipinangako si Erap sa mga manininda. Lamang ang tanong nila o panalangin, sana’y matupad ang lahat. Ngunit ang kahilingan ng vendors para may katiyakan ang lahat – ay amyendahan ang kontrata ng Joint Ventures kung totoong tapat si Erap sa kanyang ipinangako.
Kaya naman o, nangako na nga sa inyo…