MALIWANAG naman ang sinasabi ng mga survey ngayon. Nananatiling dominado ng ABS-CBN ang primetime. Hindi pa rin natitinag ang following ng kanilang Pangako Sa ‘Yo na nakapag-rehistro ng napakalakas na ratings lalo na noong nakaraang linggo, at saka iyong pre-programming niyong Nathaniel, na hindi natigatig kahit na napasukan ng remake ng Marimar.
Pero roon sa day time programs, hindi mo talaga maitatago na ang layo ng ratings ng Eat Bulaga, at hindi nga maikailang lampaso sa kanila ang kalaban nilang It’s Showtime sa ngayon. Masyadong matindi ang epekto sa ratings niyong Aldub.
Pero ang nakatawag pa ng pansin namin, iyong supremacy ng Eat Bulaga sa weekday programs, nababaliktad iyan dati ng ABS-CBN kung Sundays dahil talaga namang sa loob ng ilang dekada ay walang nagawa anumang show ang ilabas ng GMA 7 laban sa ASAP. Pero nakagugulat na noong nakaraang Linggo, sinasabi nilang pantay lamang ang ratings ng ASAP, doon sa bago niyang kalabang Sunday PinaSaya. Bahagya ring nalamangan ang ASAP niyong show ni Willie Revillame, na noong magsimula tatlong buwan na ang nakararaan ay “never heard”. Nang mailagay iyon sa mas maagang oras at makasabayan pa ng ASAP, umangat. Kapansin-pansin din na naapektuhan ang ASAP, dahil naglagay na rin sila ng game portion sa Rati nilang all musical programming.
Maliwanag kung ganoon na mukhang dominated na ng GMA ang noontime programming, iyon nga lang ang mga show naman na iyon ay hindi network produced. Iyong Eat Bulaga at Sunday PinaSaya ay parehong sa Tape Inc.,samantalang iyong Wowowin ay kay Willie Revillamemismo.
Hindi mo talaga masasabi ang magiging takbo ng viewing habits ng mga nanonood ng telebisyon. May panahong halos inabot na rin ang ratings ng Eat Bulaga, noong kasagsagan ng show ni Willie sa ABS-CBN, at maaaring na-over take na nga ang sinasabi nilang longest running noontime show, kung hindi lang nagkaroon ng controversy ang show ni Willie na maraming namatay sa Ultra noon, at tapos ang problema niya sa Channel 2. Pero ngayon masyadong matindi ang Eat Bulaga dahil sa natuklasan nilang Aldub, mukhang hindi na sila aabutan kailanman ng kalaban nilang show.
Sabi ng isa naming source, ”araw-araw na nga ang meeting nila eh”. Isa lang ang hindi nila naiisip eh, ano kaya ang mangyayari kung aalisin na nila ang medyo lipas na nilang male hosts sa It’s Showtime at ipalit nila ang kanilang alas na si Daniel Padilla? Masasabayan na kaya nila ang Aldub?
HATAWAN – Ed de Leon