Treasure hunting sa Tuguegarao City tuloy-tuloy pa rin! (Attention: DENR Sec. Ramon Paje)
Jerry Yap
September 16, 2015
Bulabugin
HINDI natin maintindihan kung bakit hindi maawat-awat sa paghahanap ng ginto ang mga nagpapakilalang treasure hunters diyan sa Tuguegarao City.
Ito raw ‘yung “Operation Treasure Ginto” na ang pangunahing hinahanap ay mga ginto umanong naiwan ng mga Japanese straggler sa bahaging iyon ng lalawigan ng Tuguegarao.
Itinuturo ng mga residente sa nasabing lugar na ang nasabing paghuhukay ay sa utos umano ng isang Turingan at Pobre.
Ayon sa mga residente labis na mapanganib ang nasabing paghuhukay dahil maaaring pagmulan ito ng pagguho sa gilid ng national highway.
Malapit na malapit lang daw sa national highway ang treasure hunting na ginagawa ng mga tauhan nina Turingan at Pobre.
Ang ipinagtataka nila, ang paghuhukay na ginagawa ng grupo nina Turingan at Pobre ay walang kahit anong permiso mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Kaya nga ang tanong nila, kung ginto ang hinahanap ng mga treasure hunter na pini-finance nina Turingan at Pobre, hindi ba’t maliwanag na ito ay pag-aari ng Estado?!
E bakit hinahayaan ni DENR Secretary Ramon Paje na halukayin, hukayin at sirain ng ilang indibidwal ang yamang-mineral ng ating bansa?!
Ano ba ang konsesyon o pakinabang ng mga taong-gobyerno sa bahaging ‘yan ng Tuguegarao at hinahayaan nilang sirain ang kanilang likas na yaman?!
Mayor Jefferson Soriano, Sir! Bakit ninyo hinahayaang mawasak ang yaman at kagandahan ng inyong lalawigan sa panggagahasa ng mga gahaman sa kayamanang hindi naman sila ang dapat na magmay-ari?!
Mukhang pareho lang ang “tapa ojo” na ginagamit nitong sina Secretary Paje at Mayor Soriano…
Tapa Ojo de Turingan cum Pobre.
Ano kaya ang palagay dito ng Palacio de Malacañan?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com