Trapik (Unang Bahagi)
Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.
September 11, 2015
Opinion
BAWAT araw na dumaraan ay lalong lumalala ang kalalagayan ng trapiko sa mga pangunahing lansangan ng Kalakhang Maynila.
Madalas, lalo na kung katatapos lamang ng ulan, ay nagmimistulang malalaking “parking lot” ang mga kalye. Tiyak na aabutin tayo ng siyam-siyam at bugnot sa bawat pagpalaot natin sa mga lansangan ngayon.
Ang ilan pa sa resulta ng masamang trapiko ay malaking gastusin ng pamahalaan, kawalan ng “quality at productive time” ng mga pamilya, manggagawa’t empleyado; mga problemang pangkalusugan lalo na ‘yung may kinalaman sa puso, dugo, baga at kidney; environmental disaster dahil sa matindi at naiipon na polusyon; at marami pang iba.
Marami nang nagmungkahi ng kung ano-anong solusyon sa grabeng bagal na daloy ng trapiko pero wala pa rin nangyari. Naandiyan na nagkaroon ng color-coding, odd-even scheme, pook batayan etc… pero matrapik pa rin. Bakit kaya?
Ayon sa mga sosyologo malaki raw ang bahagi ng ating kultura’t kasaysayan sa problema ng trapik. Sabi nila dahil sa haba ng panahon na tayo ay inalila ng mga kanluranin ay nagkaroon tayo ng komplikadong personalidad. Ang mga komplikasyong ito ang iniwan sa atin ng mga Kastila at Amerikanong mananakop.
May “inferiority complex” tayo pagdating sa ating pakikipag-ugnayan sa mga dayuhan lalo na kung sila ay maputing kanluranin at “superiority complex” naman ang nararamdaman ng karamihan pagdating sa pakikipag-ugnay sa kapwa Filipino sa panahon ng aberya lalo na kung siya’y maitim at mukhang mababa ang katatayuan sa lipunan.
Ang “superiority complex” na ito pagdating sa mga kalahi ang isa sa mga dahilan kaya marami sa atin ang hindi sumusunod sa mga batas trapiko at “traffic enforcers.” Para sa kanila walang karapatan ang mga “inferior” na “traffic enforcers” na sila ay sitahin. Malakas na malakas ang kanilang “sense of entitlement” dahil sa palagay na mataas ang kinalalagyan sa lipunan kompara sa “traffic enforcers.”
Pero kataka-taka na pagdating sa ibang bansa, lalo na sa mga pinamamahayan ng mga puti, ang mga may “superiority complex” na ito ay tiklop at masunurin sa mga alituntunin, lalo sa batas trapiko. Hindi lamang dahil mabigat ang parusa kaya sila masunurin sa batas, malaki ang likas na bahagi ng kanilang “inferiority complex” sa likod ng pagiging masunurin. Sa katunayan, nagiging modelong mamamayan pa sila dahil sa sobrang pagiging masunurin.
Sabi ni Paulo Freire, isang edukador mula sa Brazil, ang binabalingan ng maliliit ng kanilang galit o karahasan ay ang kapwa maliit o mas maliit pa—ito ‘yung tinatawag na “horizontal violence of the poor.” Dahil natutunan natin mula sa mga Kastila’t Amerikano na sila ay superior, ang tendensiya ng marami sa atin ay maging masunurin sa mga kanluraning ito at suwail naman sa kapwa Filipino. Ito ang isa sa konkretong ibig sabihin ng “horizontal violence” para sa atin.
(May kasunod sa Lunes)
* * *
Binabati ko ang dating punong lungsod ng Mandaluyong at pinuno ng Metropolitan Manila Development Authority at Commission on Elections na si Chairman Benjamin Abalos Sr., sa kanyang kaarawan sa araw na ito. Mabuhay kayo Chairman. Sana ay manatili ang inyong magandang kalusugan at nang maipagpatuloy ninyo ang paglilingkod sa kapwa. Muli maligayang kaarawan po.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring pumunta kayo sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subd. Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City, Laguna. Malapit lamang sa Kalakhang Maynila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala ng mensahe sa https://www.facebook.com/privatehotspringresort?fref=tspara sa karagdagang impormasyon o reserbasyon.