Apat na oras stranded sa ulan! (Commuters at motorista)
Jerry Yap
September 11, 2015
Bulabugin
HINDI na yata mabubura sa kasaysayan ng pagmamando ng trapiko ang naganap nitong Martes ng gabi (Setyembre 8) hanggang madaling araw ng Setyembre 9.
Literal na natulog sa kalsada ang commuters at motorista dahil talagang na-stocked sila sa trapik.
Mismong si Traffic Czar Francis Tolentino ay nabiktima rin ng trafik (sabi niya). Apat na oras daw siyang naburo sa gitna ng baradong trapiko ng mga sasakyan kaya late siya sa isang programang pang-umaga sa telebisyon.
Karma lang daw ‘yan, kasi ‘yung ordinaryong commuter nga sa Macapagal Blvd., na patungong Parañaque ‘e inabot ng tatlong oras sa kalsada.
Kapag inaalat nga naman!
Pero bukod sa malakas na buhos ng ulan napansin din natin na nawalang parang bula ‘yung mga nagmamando ng trapiko.
Apektado na rin ng baha ang mga kalsada kaya lalo pang nagkahetot-hetot ang biyahe ng commuters at mga motorista.
‘Yan ay kahit iniutos na ni Traffic Czar Tolentino sa MMDA flood control na paandarin ang pumps para mabawasan ang baha.
Sa ilalim ng Republic Act 7924, ang MMDA ang itinatalagang tagpamahala sa transportasyon at sa traffic nito.
Pero bago ang araw ng Martes, inatasan na ni Pnoy ang Highway Patrol Group (HPG) ng Philippine National Police (PNP) na dagdagan ang kanilang puwersa dahil itatalaga raw sila sa EDSA.
At ‘yun nga ang nangyari. Mga kagawad ng HPG-PNP ang tumao sa EDSA para magmando ng trapiko ng mga sasakyan… and the rest is history!
Meron kayang mga taga-Malacañang ang naipit sa traffic na ‘yan?!
Kung narinig lang nila ang mga mura ng taong bayan ‘e baka gumuho ang Palacio de Malacañan!?
Sana naman ‘e meron nga para naramdaman din nila ang nangyari sa sambayanang commuters!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com