Apat na oras stranded sa ulan! (Commuters at motorista)
Jerry Yap
September 11, 2015
Opinion
HINDI na yata mabubura sa kasaysayan ng pagmamando ng trapiko ang naganap nitong Martes ng gabi (Setyembre 8) hanggang madaling araw ng Setyembre 9.
Literal na natulog sa kalsada ang commuters at motorista dahil talagang na-stocked sila sa trapik.
Mismong si Traffic Czar Francis Tolentino ay nabiktima rin ng trafik (sabi niya). Apat na oras daw siyang naburo sa gitna ng baradong trapiko ng mga sasakyan kaya late siya sa isang programang pang-umaga sa telebisyon.
Karma lang daw ‘yan, kasi ‘yung ordinaryong commuter nga sa Macapagal Blvd., na patungong Parañaque ‘e inabot ng tatlong oras sa kalsada.
Kapag inaalat nga naman!
Pero bukod sa malakas na buhos ng ulan napansin din natin na nawalang parang bula ‘yung mga nagmamando ng trapiko.
Apektado na rin ng baha ang mga kalsada kaya lalo pang nagkahetot-hetot ang biyahe ng commuters at mga motorista.
‘Yan ay kahit iniutos na ni Traffic Czar Tolentino sa MMDA flood control na paandarin ang pumps para mabawasan ang baha.
Sa ilalim ng Republic Act 7924, ang MMDA ang itinatalagang tagpamahala sa transportasyon at sa traffic nito.
Pero bago ang araw ng Martes, inatasan na ni Pnoy ang Highway Patrol Group (HPG) ng Philippine National Police (PNP) na dagdagan ang kanilang puwersa dahil itatalaga raw sila sa EDSA.
At ‘yun nga ang nangyari. Mga kagawad ng HPG-PNP ang tumao sa EDSA para magmando ng trapiko ng mga sasakyan… and the rest is history!
Meron kayang mga taga-Malacañang ang naipit sa traffic na ‘yan?!
Kung narinig lang nila ang mga mura ng taong bayan ‘e baka gumuho ang Palacio de Malacañan!?
Sana naman ‘e meron nga para naramdaman din nila ang nangyari sa sambayanang commuters!
Bakit laban sa sabong lang, bakit hindi laban sa droga?
Isang grupo ng mga Bible enthusiasts ang nakita nating sumama sa rally laban sa pagtatayo ng sabungan umano riyan sa Sta. Ana, Maynila.
Natuwa naman ang inyong lingkod dahil ayaw din natin ‘yan lalo na’t hindi klaro kung bakit bigla na lang sumulpot ‘yang pagtatayo ng sabungan na ‘yan.
Kaya lang, ang ipinagtataka lang natin sa mga grupong tumututol, bakit kung kailan nakasubo na ‘yung proyekto at kung kailan sisimulan na ang pagpapagawa, ‘e saka sila nagpoprotesta?
Bakit hindi noong pinaplano pa lang?
Nakapagtataka rin na hindi sila naglulunsad ng ganitong klase ng protesta laban sa ilegal na droga gayong ang nasabing lugar ay bantad sa nasabing isyu.
Katunayan, mismong sa police records ay makikita na marami ang kaso ng paggamit ng ilegal na droga sa nasabing lugar sa Maynila.
Hinahamon natin ang nasabing Bible enthusiasts na pinangungunahan ni dating congressman Benny Abante na labanan ang lahat ng ilegal sa kanilang lugar lalo na ang ilegal na droga.
Alam naman natin na alam ni Mr. Ex-Congressman kung ano ang masamang idinudulot ng droga sa isang indibwal, sa pamilya at sa buong komunidad.
Sana ay hindi lang sabong, labanan n’yo rin ang talamak na pagkalat ng droga sa inyong lugar, Ex-Cong. Abante!
Protesta pa more!
Kaliwa’t kanan na ang video karera sa Maynila (Dahil sa intel-hensiya!?)
Breaking the record at hindi na maawat ang pagdami ng mga nakalatag na demonyong makina ng video karera sa Maynila.
Tila mga anay na mabilis na kumakalat ang mga makina nina TAYGURO sa TONDO at STA. CRUZ Maynila.
Lalo na anila sa loob ng Manila North Cemetery na meron pang instant shabuhan sa lugar.
Hindi rin magpapatalo ang mga makina ng ilang Pulis-Maynila na nagkalat rin sa Tondo lalo na sa Sampaloc at Sta. Mesa na sakop ng MPD Station 4 at 8.
Isang walang kupas na pulis-bagman na si BER NABAROG ang siyang kontak ng mga 1602 operator para siya ang magtuturo kung saan magandang ilagay ang demonyong makina.
Gaya na lamang sa kanyang lugar malapit sa tabing-ilog na pugad rin ng shabuhan at salyahan ng ilegal na droga.
Sandamakmak rin ang mga pokpokan club at shabuhan sa kalye Malaya Balut, Tondo!
Tama ba german shepherd!?
Sino ba ang tongpats diyan!?
MPD director Gen. ROLANDO NANA sir, bakit nga ba namamayagpag ngayon ang mga vices sa Kamaynilaan? May go-signal ba sila?
O dahil kaya sa Intel-hensiya!?
Pakitanong nga ninyo kay alias TATA RAFFY at SARHENTONG KRIS-TONG!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com