MAGIGING honest lang ako ha, hindi ako impressed doon sa ipino-promote nilang kanta ni Alden Richards na nasa album yatang ginawa niya. Although talagang kung maririnig mo ay nagsikap naman talaga si Alden na pagandahin ang kanyang kanta, at technically alam mo namang pinaganda rin nila ang pagkakakanta ni Alden, parang may kulang eh. Wala Roon iyong timbre ng isang mahusay na kanta talaga, pero mabibili iyang CD na iyan dahil sa popularidad ngayon ng Aldub.
Hindi na kahusayan ang pinag-uusapan diyan eh, kundi iyong “personality cult” na nangyayari nga dahil sa Aldub. Dahil sa kanilang popularidad, ano man ang gawin nila kakagatin ng publiko. Bibigyan namin kayo ng isang magandang example. Si Aga Muhlach ay isang napakahusay na actor, pero hindi naman siya singer talaga. Pero alam ba ninyo noong araw ay nakagawa siya ng isang album na isang malaking hit, iyong Campus Beat. Ang producer niya ay isang major recording outfit noong araw, iyong Octoarts.
Isa pang example, magaling na aktres at magaling sumayaw si Ate Vi. Pero hindi siya singer. Pero tandaan ninyo, nakagawa siya ng dalawang album na parehong naging platinum noon, iyong Sixteen at iyong Batya’t Palu-palo.
Ano iyong point? Kasi nga sikat na sikat sila noong kanilang panahon na kahit na ano yata ang gawin nila kinakagat ng publiko. Kaya namin sinasabi, kakagatin ng mga tao iyang album ni Alden.
Nagkakatawanan nga ang barkada habang pinakikinggan namin mula sa internet ang kanta ni Alden. Sabi nila,”bagay na theme song ng ‘Wish Ko Lang’”. Kasi puro wish nga ang maririnig mo eh. Pero agree sila na mabibili pa rin iyan at tatangkilikin ng fans.
HATAWAN – Ed de Leon