INC apektado ba sa kaso?
Robert B. Roque, Jr.
September 8, 2015
Opinion
NAGSIMULA sa Maynila ang protesta ng Iglesia ni Cristo (INC) laban sa gobyerno noong Agosto 27, bilang isang malakas na puwersa na suportado ng 1,000 kasapi.
Pagsapit ng Agosto 30 kung kailan inakala ng marami na daragsain ang EDSA ng daan libong miyembro, ay 20,000 lamang umano ang dumalo. Ang mababang bilang kayang ito ang dahilan kaya itinigil nila ang protesta kinabukasan?
Malayong-malayo ang bilang na ito kompara sa mga naunang pagtitipon tulad ng INC “prayer rally” sa Quirino Grandstand, Luneta noong Pebrero 2012, na dinaluhan ng 100,000 miyembro bilang pagpapakita ng suporta sa na-impeach na Chief Justice Renato Corona.
Nang magsagawa sila ng “medical mission” sa Maynila noong Oktubre 2013 ay mahigit 700,000 katao ang dumagsa, kabilang ang mga hindi kasapi na gustong makatanggap ng libreng gamot at konsulta.
Nagkaroon din sila ng “charity walk” para sa mga nakaligtas sa bagyong “Yolanda” noong Pebrero 2014, na dinaluhan ng 200,000 nilang kasapi.
Nang magprotesta ang INC laban sa gobyerno ay ipinagmalaki nila na magdadatingan ang mga miyembro mula Quezon, Bicol, Batangas, at ibang lalawigan sa EDSA. Bagamat 20,000 lamang ang nagkatipon-tipon ay sapat na ito para magalit ang mga mamamayan na nagkaipit-ipit sa matinding trapiko dahil sa kanilang protesta.
May pumupuna na kung buo ang tiwala ng mga miyembro sa pamunuan ng INC ay susuportahan nila ang ipinaglalaban ng kanilang samahan. Sa Quezon City pa lamang ay sinasabing 80,000 hanggang 100,000 na ang kanilang kasapi.
Ayon kay Attorney Ferdinand Topacio na kasapi rin ng INC, gusto raw sirain ng Malacañang ang pagkakaisa ng INC dahil hindi nila susuportahan ang kandidato ng administrasyon sa 2016, na maliwanag na si Interior Secretary Mar Roxas ang tinutukoy.
Pero pinasinungalingan ito ng Malacañang at sinabing ang gobyerno ay tapat na sumusunod sa batas nang walang pinapaboran, at malaya sa mga konsiderasyong pampulitika.
Apektado ba ang INC sa kasong “serious illegal detention” na isinampa ng dating ministro na si Isaias Samson laban sa walo nilang lider, at sa mga alegasyon na sangkot sa korupsiyon ang ilan nilang pinuno, kaya humina ang suporta ? Totoo kaya ang haka-haka ng iba na nagkakawatak-watak na sila?
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.