MAGANDA ang mother-of-pearl bilang palawit sa kuwintas, subalit marami sa atin ang hindi nakaaalam kung gaano katibay ang abalone shell na hindi kayang basagin kahit sa ilalim ng bigat ng isang 10-wheeler truck.
Tinatawag ding nacre, malaking palaisipan para sa mga siyentista ang materyales nito dahil 3,000 beses na mas break-resistant ito kaysa mineral na bumubuo sa mga bloke ng gusali, ang aragonite. Kamakailan, sinimulan ng mga researcher na suriin ang mga intricacy ng matibay na estruktura ng nacre at umaasa silang malaman kung paano ito gagayahin para makalikha ng matitibay na man-made material.
“Marami tayong matututuhan mula sa kalikasan,” wika ni University of Wisconsin-Madison physicist Pupa Gilbert. “Wala tayong kaalaman kung paano isi-synthesize ang mga materyales na mas matibay pa sa kanilang kabuuan.”
Katulad din ng ating ngipin at buto, ang nacre ay binubuo ng mga organic material na likha ng isang organismo at mga inorganic mineral din na matatagpuan sa kinakain ng isang mollusk o nakolekta mula kapaligiran.
“Ang tibay nito ay malamang dahil sa estruktura nito,” ani Gilbert sa panayam ng LiveScience sa pag-asang sa masusi pang pag-aaral ay magagawag makalikha ng mga siyentista ng katulad na natural structural design ng nacre para makalikha rin, halimbawa, ng mga sasakyang kayang i-absorb ang lahat ng enerhiya sa punto ng banggaan pero hindi magkakaroon ng fracture.
Kinalap ni Tracy Cabrera