Magbababoy sa Kamara
Jerry Yap
September 4, 2015
Bulabugin
MUKHANG tumpak si Pascual Racuyal nang sabihin niya sa kanyang talumpati na mas mabuting gawing ‘PIGGERY’ ang Batasang Pambansa dahil pagkatapos daw ng anim na buwan ay pwede nang ibenta ang mga baboy kaya mas kikita pa ang gobyerno.
Pero hindi nga pinapalad na manalo si Racuyal sa ano mang presidential election. Sa kanyang pinakahuling pagtakbo, idineklara pa siyang nuisance candidate ng Commission on Elections (Comelec).
Ngayon nalantad na sa publiko na niraraket ng ilang mambubutas ‘este mambabatas gamit ang pekeng non-government organization ang milyon-milyong pork barrel funds patungo sa kani-kanilang bank accounts at ipinatutustos sa kung ano-anong luho, mukhang mayroong katuwiran si Racuyal kaya niya naisip na gawing ‘PIGGERY’ ang Batasang Pambansa noon na ngayon ay tinatawag nang Kamara de Representantes.
Nakakulong na ngayon sina Janet Napoles, senators Bong Revilla at Jinggoy Estrada, habang si Sen. Jonh Ponce Enrile ay kalalagak lamang ng piyansa. Pinayagan magpiyansa ng Supreme Court si Enrile dahil umano sa humanitarian reasons pero patuloy itong kinukuwestiyon ng mga naniniwalang ‘special treatment’ ang ginawa sa arkitekto ng martial law.
Ang pagkakakulong ng nasabing mga mambabatas ay maliwanag na noong araw pa, ang tingin talaga ni Racuyal sa mga nasa Batasang Pambansa ay ‘baboy’ dahil sa pagpapasasa sa napakalaking pondo pero walang tunay na serbisyong ibinibigay sa mamamayan.
‘Yan ay ‘yung panahon na hindi pa magastos ang pangangampanya ng mga politiko.
‘E ‘di lalo na ngayong gumagastos sila nang malaki sa pangangampanya, talagang ang iisipin nila pag nakaupo ‘e kung paano babawiin ang nagastos nila?!
Nakapagtataka pa ba kung mayroon na namang 20 mambabatas ang isinasangkot sa maling paggamit sa P500 milyon pork barrel fund na inilaan din sa mga pekeng NGO gaya nang ginawa ni Napoles?!
Kabilang sa 20 mambabatas si North Cotabato Rep. Nancy Catamco at ang asawa ni CSJDM Rep. Arthur Robes na si Florida Robes sa 15 operators ng mga bogus na NGOs na sinasabing pinaglagakan ng P500 milyon pork barrel allocations ng 20 mambabatas.
Sonabagan!!!
Aba ‘e totoo pala ‘yung sinasabi ni Napoles na hindi lang siya ang rumaraket diyan sa pork barrel.
Ang iba pang NGO operators na pinangalanan ni Atty. Levito Baligod sa kanyang inihaing demanda sa Ombudsman ay sina Evelyn Miranda, Rosemarie Palacio, Quennie Estanislao, Maylanie Asuncion, Elvira Roseph Castelo, Cheryl Ugali, Marilou Antonio, Joel Soriano, Marilou Ferrer, Maripaz de la Vega and Rizza de la Vega, France Mercado and Jaime Paulo Paras.
Ang mga NGO na tinukoy ay Workphil Foundation, Sagip Buhay People Support, Kaisa’t Kaagapay, St. James de Apostle, Kagandahan ng Kapaligiran, Kapuso’t Kapamilya, Kabuhayan at Kalusugang Alay sa Masa, Gabay sa Magandang Bukas, Center for Mindoro Integrated Development, Aaron Foundation at Buhay Mo Mahal Ko Foundation.
Katulad din ang nasabing scam ng operation na ginagawa ni Janet Lim-Napoles sa P10-bilyong congressional Priority Development Assistance Fund (PDAF) na inilagay sa mga ghost project at fake NGOs.
Sila ‘yung kumuha ng tseke, nagsumite ng mga dokumento at tumayong mga contact persons para sa mga mambabatas.
Sa kasalukuyan ay muli na namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) para sa mga ebidensiyang kakalapin kaugnay ng ibinunyag ng mga bagong whistle-blower.
Good luck talaga Philippines!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com