Biglang kambyo ang mga politico sa pag-trending ni Sec. De Lima
Joey Venancio
September 2, 2015
Opinion
HA HA HA HA…
Nang mag-check ako ng mga news sa social media kahapon, umiba na naman ang timpla ng mga politiko na pumabor sa INC protest mula noong Huwebes hanggang Lunes ng umaga sa mga kalye ng Padre Faura at EDSA.
Sabi ng isang malakas na “presidentiable” tama raw si Justice Secretary Liela de Lima na manindigan sa panig ng batas, sa pagpapaimbestiga sa mga kasong isinampa ng tiniwalag na ministro et al… laban sa ilang ministro rin ng pamunuan ng Iglesia.
‘Yung ilan pang presidentiables na nagpa-interview pa noon sa media sa pagpanig nila sa “mass action” ng INC ay tumahimik bigla, ayaw nang pa-interview ngayon. No talk no mistake nga naman. Hehehe…
Hindi kasi akalain ng naturang presidentiables na magrereak nang negatibo laban sa kanila ang mas nakararaming Pinoy sa kanilang pagpanig sa INC mass protest.
Ilan nga ba ang “solid votes” ng INC? 2 million? E ilan ang botante ngayon sa Pinas? Over 60 million na! Ibig sabihin ay 58 million votes ang nawala sa mga umepal na presidentiables at vice presidentiables. Talo nga! Hehehe…
Sabi naman ng ilang senador na eksperto sa batas, dapat sumunod sa “rule of law” ang INC dahil gumawa ng krimen ang kanilang miyembro, inilapit ito sa DoJ, kaya dapat lang aksiyonan ng Kagawaran ng Hustisya.
Sabi nga ng Commission on Human Rights, walang nilabag sa “separation of church and state” ang DoJ. Malinaw aniya na iniimbestigahan dito ang inihain na kasong illegal detention laban sa ‘Sanggunian’ ng INC. Tumpak!
Ang bumango ngayon nang todo-todo at trending na sa social media ay sina Interior Secretary Mar Roxas at Justice Secretary Leila de Lima na sa simula pa lang ng INC protest ay nagpahayag na hindi tama na dalhin sa kalye ng INC ang kanilang disgusto sa pag-iimbestiga ng DoJ sa mga akusasyon ng kanilang itiniwalag na ministro laban sa ilang miyembro ng kanilang Sanggunian.
Oo, ala-AlDub ngayon sina Roxas at De Lima. Biglang kumalat nga sa social media ang Roxas-De Lima 2016. Hmmmm… Let’s see!!!
Parang isda na ang bentahan ng shabu sa Sariaya, Quezon
– Sir Joey, taga dito po ako sa Brgy. Guisguis, Sariaya, Quezon. Pakitulungan nyo naman kami na maiparating sa mga kinauukulan lalo sa PDEA at kay Sec. Roxas para maipahinto ang pagpapakalat ng shabu ng isang alyas “Renzol” dito. Grabe na po ang bentahan dito, parang isda na. Wala po magawa ang mga pulis dito. Nagtayo pa nga sila ng outpost dito. Pero lumalabas na yun lang bahay ni Renzol ang kanilang binabantayan dahil baka ma-raid ng iba. – Concerned citizen
Kaya nag-rally ang INC sa EDSA…
– Sir Joey, hindi lubusang nauunawaan ng marami ang dahilan kung bakit naglunsad ng malawakang peace rally sa EDSA ang mga INC. Ito ay pagpapakita ng pagkakaisa para tutulan ang panghihimasok ng estado sa internal dispute ng INC na hindi naman talaga dapat pinakikialaman ninuman sapagkat simpleng pagdisiplina lang ang nilapat sa nakalabag at nagkasalang miembro. Ang paratang na serious illegal detention ay walang katotohanan, layon ay paghihiganti. Puede naman isampa sa regular court pero ginamit ang DoJ ng mga tuso at may imbing agenda. Tigil na at manahimik na ang lahat. – Cecil Cruz, 0927763…
Saludo sa paninindigan ni Sec. De Lima
– Sir Joey, saludo ako kay DoJ Sec. de Lima. Matapang at may paninindigan siya. Eh ano kung hindi siya iboto ng INC? Mas marami namang katoliko ang boboto sa kanya. Tama lang naman ang kanyang ginawa. Ang batas ay batas. Hindi ito dapat baluktutin. Ang INC kung sino ang iboboto ng lider, yun ang iboboto nila. Kahit korap ok lang sa kanila. – James ng Bacolod City, 0946959….
Para mawala ang ‘bloc voting’ ng INC, ‘wag nang lumapit ang mga kandidato.
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015