Ang mga umepal at nagpapansin sa INC rally
Jerry Yap
September 2, 2015
Opinion
SA GITNA ng mga katakot-takot na komento at pagkainis ng maraming mamamayan dahil sa matinding traffic na iniluwal ng protesta ng mga kasapi ng Iglesia Ni Cristo (INC), lumutang at nakisimpatiya laban kay Justice Secretary Leila De Lima ang tiyak na presidentiable na si Vice President Jejomar Binay at ang hindi pa umano makapagdesisyon na presidentiable na si Sen. Grace Poe.
Mukhang nagpasiguro sina Binay at Poe na baka EDSA 4 na ang nagaganap na protesta kaya matulin pa sa alas-kuwatrong nagsalita saka inupakan si Madam Leila.
Pero mukhang nagkamali ng tantiya sina VP Binay at Sen. Grace dahil nang pansinin ng Malacañang ang protesta ng INC, biglang pinatigil ni General Evangelist Bienvenido Santiago ang rally/vigil ng kinutusang magsiuwi na sa kani-kanilang bahay.
Nasayang tuloy ang effort nina VP Binay & Sen. Grace Poe.
Mas maigi siguro kung sinubukan nilang pumunta roon sa actual na vigil, umakyat sa entablado saka nagtatatalak o kaya naghihiga sa kalsada para mas tuluyan silang napansin ng central.
O kaya naman, umiyak-iyak sila o gumulong-gulong kaya?!
Talaga naman…
Makakuha lang ng boto, gagawin ang lahat para mapansin lang ng Central?!
Trapong-trapo naman ‘yang estilong ‘yan!
Paalala lang… hinay-hinay lang po sa mga gustong maglunsad ng protesta baka samantalahin kayo ng mga tradisyonal na politiko.
Imbes maipagtagumpay ninyo ang mga isyung ipinaglalaban ninyo ‘e magamit pa kayo.
Tsk tsk tsk…
Plaza Miranda PCP Commander lumarga na vs osdo, tulak etc.
HINDI naman natin kilalang personal ang bagong Plaza Miranda Police Community Precinct (PCP) commander Senior Inspector JOHN GUIAGUI pero bilib tayo sa ginagawa niyang paglilinis ngayon sa nasabing area.
Aba sunod-sunod ang mga nahuhuling osdo, tulak at iba pang ilegalista sa kanyang area of responsibility (AOR).
Pagkatapos nga ng sunod-sunod na operation ni Kapitan Guiagui ‘e sunod-sunod na text message rin ang nakarating sa atin bilang feedback sa seryosong pagpapatupad ng peace & order sa nasabing bisinidad.
Kaagad rin siyang nakipag-dialogue sa mga vendors para malaman ang kanilang problema at maiayos ang kanilang pagtitinda.
Talagang kapuri-puri ang mga ginagawa ni Kapitan Guiagui hindi katulad ng isang MPD kupitan ‘este’ kapitan na ibang klase ang lakad at nagpapanggap na matinong pulis pero tongpats sa mga illegal sa Maynila, gamit ang kanyang ranggo at pagiging malapit sa isang city official. Taliwas sa mga ipinagkakalat ng Kupitan na naninira lang ang Bulabugin kapag nauupakan ang mga baluktot na lakad ng isang pulis.
Kung majority ng mga bagong police official na naitatalaga sa Maynila ay gaya ni Kapitan Guiagui tiyak na mauubos ang iba’t ibang klase ng mga ilegalista sa lungsod.
Karerin mo na ‘yan, Kapitan Guiagui!
Balikbayan ‘smuggling’ box sa airport nga ba o sa pier?
ILANG ‘tongpats’ media sa mga bigtime smuggler sa Pier ang bigla na lamang nabuhay at nakaisip gumawa ng pagsusunugan ng kanilang mga kilay para raw mailayo sa kanilang mga pinoproteksiyonang ‘tongpats’ ang isyu.
Mula sa Balikbayan boxes na pinalulusutan umano ng mga smuggler ay biglang pumihit ang isyu… ang balikbayan boxes umano ay nasa IBR at ginagamit para magpalusot at magpuslit ng kontrabando.
Kahit saang anggulo tingnan, walang magpapadala ng kanilang Balikbayan boxes sa pamamagitan ng eroplano dahil napakamahal ng air freight.
Kaya nga tinatiyaga ng mga kababayan nating overseas Filipino workers (OFWs) na pag-ipunan ang ipinadadalang Balikbayan box sa kanilang pamilya para matanggap nila nang maaga at sa murang halaga ng shipping.
Sa simpleng pagpapadala ng isang bagay na magpapaalala kung gaano sila kahalaga sa buong pamilya ay malaking bagay na kaya nga dapat silang pilitin na ngumiti.
Anyway, nagugulat ang ilang traders at maging customs NAIA na parang nada-divert ang issue ng balikbayan box sa kanila gayong kung susumahin ‘e wala pa sa isang 20 footer container sa isang linggo ang dumarating na kalakal sa IBR na ibinabayad pa ng buwis.
Kompara nga naman sa pier na daan-daan 40 ftr. container ang napapalusot ng mga big time player sa pier every week.
Kahit itanong pa kay Manny Santos!
Sa susunod na issue, iisa-isahin natin ang mga player na ‘yan.
Ingat-ingat lang sa mga de-koryenteng text brigade!
Hinaing kay Gen. Trias Mayor Onie Ferrer (Pakisagot Mayor Onie)
GOOD am po sir, grabe po rito sa amin sa bayan ng Gen. Trias. Kung kailan mag-eeleksi-yon ipinagiba po ang magandang plaza na ginastusan nang mahigit 50 milyon ni dating Mayor Osboy Campana. Ngayon ipinagagawa ulit, nasayang po ang pera ng taong bayan na dapat ay nagamit sa tulong pangkabuhayan. Ang matindi pa, itong mayor na nakaupo na si Mayor Antonio Onie Ferrer, noong bagong upo, may peoples day pero makalipas ang ilang buwan inalis na at hindi na nagpapasok sa munisipyo. Laging out of town po at nagliliwaliw sa ibang bansa. Maging ang tauhan po ay mga abusado kaya nagkakasuntukan ang pumupunta sa mayor’s office at ang pinakaserbisyo pong ginagawa, ang mag-ikot lang sa mga patay. Sa kanyang termino ay halos wala pong nagawa at ang pagkapanalo niya ay nakaprotesta pa sa Cavite City trial court. Madalas pa hong manghiya ng tao kaya nagsisi po kaming mga taga Gen. Trias sa pagboto kay Mayor Antonio Ferrer na wow mali po kami. Aana mailathala po ang aming karaigan. Tnx po, more power and God bless. – Nagkakaisang kababaihan ng Gen. Trias.
(email withheld upon request)
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com