Inaalat na si Justice Secretary Leila de Lima
Jerry Yap
August 29, 2015
Opinion
GUSTO sana nating batiin ng happy birthday kahit na belated si Justice Secretary Leila De Lima pero mukhang magiging insulto ito sa kanya dahil mukhang hindi talaga happy ang birthday niya kamakalawa.
‘Yan ay dahil sa mismong pinakamahalagang araw sa kanyang buhay ‘e dinumog na siya ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (initiated man ito o espontanyo) na alam nating hindi magandang kaganapan sa kaarawan mismo ng Kalihim.
Ayon sa ilang ulat na nakarating sa inyong lingkod, maging ang pinakamahalagang bisita ni Secretary Leila na si Presidente Benigno “Noynoy” Aquino III ay hindi na dumalo sa selebrasyon dahil sa kapal nga ng nagpoprotestang miyembro ng INC.
Naroon na nga ang mga miyembro ng Presidential Security Guard (PSG) pero pinag-pull-out na lang umano dahil nag-cancel na ng appointment ang Pangulo.
Ayaw daw kasi ng INC sa ginagawang pag-epal ‘este’ imbestigasyon ng Department of Justice sa pamamagitan ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa isyung mayroong kidnapan na naganap sa hanay mismo ng mga opsiyal ng INC.
Ang rason ng INC, internal problem ng sekta ang nasabing isyu at sila umano ang mas awtorisadong resolbahin ito.
Ang punto naman ng DoJ, mayroong mga kaanak na nagrereklamo at natatakot na baka hindi na nila makitang buhay ang kanilang mga kaanak kaya kailangan nilang mag-imbestiga bilang premier investigating body ng estado.
Kumbaga, sa diskresyon ng DoJ, hindi lisensiya ng isang organisasyon o sekta na magpatupad ng katarungan, pagpapataw man ito o paggagawad, kung apektado ang kalayaan o karapatan ng isang indibidwal, miyembro man nila o hindi.
Naniniwala ang DoJ na walang awtonomiyang magpatupad ng kanilang patakaran ang isang organisasyon o sekta kung ito ay lumalabag sa batayang batas ng isang lipunan o bansa.
‘Yun lang, hindi pinalad si Secretary De Lima na maunawaan ito ng mga miyembro ng INC na naniniwalang kumikiling siya sa ilang miyembro at/o opisyal na sa kanilang pananaw ay lumalabag sa patakaran ng kanilang simbahan.
Kaya tuluyang naging malungkot ang birthday ni Madam, dahil maraming prosecutor ang hindi na rin daw pumunta sa selebrasyon dahil habang gumagabi ay lalong kumakapal ang mga miyembro ng INC.
Sa pagtataya nga ng pulisya ‘e hindi kukulangin sa 5,000 miyembro ang ‘nagsara’ sa kalye ng Padre Faura.
Sabi nga ng isang observer, organisadong-organisado ang protesta ng mga miyembro ng INC. Mayroong food center, paramedics, at baka mayroon din mga portalet.
Anyway, ano man ang maging ending ng protestang ito ng mga miyembro ng INC, iisa lang ang nakikita natin — LAGLAG na ang ambisyon ni Madam Leila na maupo sa Senado.
Tsk tsk tsk…
‘Di bale, happy naman ang lovelife ni Madame SOJ!
Aklat ng bayan inilunsad ng KWF (Sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika)
Aaminin ng inyong lingkod na tayo’y hindi nahilig sa pagbabasa ng mga aklat na akda ng ating mga Filipinong manunulat.
Pero naniniwala naman tayo na iniluwal din ako ng kulturang komiks.
Ako’y isang batang mahilig tumambay sa isang komiks/news stand diyan sa Blumentritt at pasalit-salit na nanghihiram ng komiks para makibasa.
At dahil nagbibinata na tayo noon at seryoso sa paghahanapbuhay, hindi na natin namalayan na unti-unti na palang namatay ang industriya ng komiks.
Narito na tayo sa larangan ng pamamahayag nang muli nating naalala ang komiks. Nang buksan nga natin ang pahayagang HATAW, maraming nag-apply para maglabas ng kanilang mga akdang-komiks.
Hindi ako makapaniwala na darating ang panahon na makakadaupang-palad ko ang mga lumikha ng Nakagapos na Puso na si Louie Celerio, Florinda na si Rico Bello-Omagap, Kuwatog na si Mang Joe at marami pang iba.
Ilang taon rin silang nagpapadala ng komiks ‘yun lang dahil na rin sa katandaan at pagkakaroon ng sakit ay namayapa na sila.
Sa pagkawala ng komiks, yumabong naman ang mga pocketbooks na kinatatampukan ng mga dating nobelista sa komiks. Napansin natin na maraming kabataan ang na-hook sa mga akdang ito. Pinaka-latest dito ang WATTPAD.
Ang positibo sa bagay na ito, kahit napakabilis ng teknolohiya ngayon mayroon pa rin mga kabataan ang nahihilig sa pagbabasa ng mga akdang Pinoy.
Sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, nakita naman natin ang pagsisikap ng Komisyon sa Wikang Filipino na mailunsad ang mga bagong “Aklat ng Bayan” na kinatatampukan ng literaturang rehiyonal.
Katunayan nitong Lunes (Agosto 24) ay inilunsad ito sa Pambansang Museo.
Suportado ni Direktor Jeremy Barns ang nasabing gawain bilang pakikiisa ng Pambansang Museo sa taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa.
Nagbigay ng makabuluhang panayam sa forum ang mga batikang manunulat na sina Prop. Junley Lazaga, Prop. Kristian Cordero, at Prop. John Iremil Teodoro na dinaluhan ng mga guro, mag-aaral, at propesyonal.
Nagbigay ng mga libreng aklat sa ilang piling publikasyon sa mga tumangkilik ng mga publikas-yon sa proyektong Aklat ng Bayan ng KWF.
Kabilang sa ANB ang Huseng Sisiw. Saliksik at pag-aaral ni Jose Ma. Rivera; Mga Retrato han Akon Bungto at iba pang akda ni Illuminado Lucente; Pagbalik sang Babaylan; Pandiwa (Sulyap sa Katutubo at Rehiyonal); Tagalische Verskunst; Buhay at Kulturang Filipino ni Norberto L. Romualdez; Napapanahong Panlipunang Pilosopiya ni Manuel Dy Jr.; Ang Rebolusyong Filipino ni Apolinario Mabini; Atlas ng mga Bansa sa Mundo; Pitong Kuwento ni Anton Chekhov; Dandaniw Ilokano; Gitanjali ni Rabindranath Tagore; Niyebe ng Kilimanjaro ni Ernest Hemingway; Ang Metamorposis ni Franz Kafka; Ang Republika ni Mabini; Manwal sa Masinop na Pagsulat, Ikalawang Edisyon; Introduksiyon sa Pagsasalin; Ang Kuwintas at Iba Pang mga Kuwento ni Guy De Maupassant; Naku, ang Maynila! ni Juan M. Buhay; Isang Sariling Wikang Pambansa; Sawikaan: Isang Dekada ng Pagpili ng Salita ng Taon; Pagdakëp sa Ilahas, salin ng ilan sa pinakamahuhusay na makabagong prosa at tulang Kinaray-a; An Satuyang Kakanon sa Aroaldaw; pinakikilalang bagong koleksiyon ng mga tulang Bikol; at Bayung Sunis ni Zoilo Hilario.
Ang inyo pong lingkod ay lubusang nakikiisa sa isinusulong na programa ng KWF.
Mabuhay po ang Komisyon sa Wikang Filipino!
OB pass/on-duty id captured na rin ni General!
MARAMING napanganga kamakailan nang malaman ng mga miyembro ng Airport Police Department (APD) na ang lahat ng OB Pass at On-Duty ID ay kompiskado na rin ni ret. Gen. Jesus Descanzo, the newly appointed Asst. General Manager for Security and Emergency Services (AGMSES).
Meaning to say, kung hihiram ka ng OB Pass at On-Duty ID ay dadaan ang formal request mo mismong kay Gen. Descanzo.
Ang latest development na ito ay nagpapakita na ‘kontrolado’ na umano ng magiting na heneral ang lahat ng nasabing access pass/ID makaraang i-recall niya sa iba’t ibang tanggapan na nasasa-kupan ng MIAA, kabilang na ang tanggapan ng APD chief.
Ganoon katindi!?
Pinatunayan ng isang airport police na matinding pagbabago sa hanay ng AGM-SES, na kanilang isinalarawang ‘patikim’ ng paparating na ‘The Big One’ ang lindol na inaasahang yayanig sa iba’t ibang lugar ng bansa na apektado ng fault line.
It’s a fact!
Ang mensahe pa ng airport police sa atin, “Oo Sir malupit yata talaga si Gen. Descanzo kasi bukod sa mga OB Pass at On-Duty ID na kaniyang kontrolado na, nagpa-zumba siya sa APD pero ang siste ay sa kaniya mo bibilhin ang mga t-shirts at shorts.”
Ngek!?
Naniniwala kami na bahagi pa rin ng mandato ni Gen. Descanzo ang ipinatutupad niyang pagbabago sa dating kalakaran sa airport.
Nalaman siguro ni AGM Descanzo, na may ilang tauhan siya na nagagamit ang OB pass sa kanilang ‘livelihood’ kaya agad niyang ini-recall at idaan ang request sa paggamit nito sa kanya.
Anyway, ano man ang hakbang na gawin ni Gen. Descanzo hangga’t ‘di naman nakapeperhuwisyo bagkus ay nakabubuti pa sa MIAA ay ride on na lang kayo.
Walang basagan ng trip…rock and roll to the world!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com