EWAN pero palagay namin wala namang masama sa mga sinasabing “crush” ni Daniel Padilla si Yaya Dub. Crush lang naman eh. Natural lang naman iyon sa mga kabataan. Bakit sa kanya bang edad sa ngayon maaasahan na ninyong magiging seryoso sa isang love affair iyang si Daniel? Palagay namin bata pa rin naman iyan eh. Hindi pa ninyo maaasahang maging seryoso iyan sa love.
Natural lang sa mga kabataan iyong hindi lang isa, kundi napakaraming crushes, kasi hindi pa nga sila sigurado kung ano ba ang gusto nila sa buhay nila. Kung ang isang lalaking kagaya ni Daniel hindi man lang magkaroon ng crush, aba eh magduda na kayo.
Kung iisipin mo eh, iyon ngang walang kaduda-duda kung ano may sinasabi pang crush nila eh, si Daniel pa kaya na isang tunay na lalaki ang hindi ganoon?
Isa pa, iba ang dating ni Yaya Dub ngayon. Hindi mo masasabing napakaganda niya. Maaaring sabihin ninyo na maraming mas maganda pa kaysa kay Yaya Dub. Pero mayroon siyang charm na nagustuhan ng mga tao kaya hindi maikakaila na siya ang crush ng bayan sa ngayon. Sabi nga ng isang kakilala namin, si Yaya Dub daw ang “pambansang crush”. Hindi nga kami magtataka kung may isang kandidatong gustong maging presidente ng Pilipinas na mag-alok din kay Yaya Dub na maging vice president niya para siya manalo.
Normal lang iyon kung may crush man si Daniel.
HATAWAN – Ed de Leon